Mga Laro sa Miyerkules (Enero 30)
(Cuneta Astrodome)
4:30 p.m. TNT vs Meralco
7 p.m. Rain or Shine vs Blackwater
WINAKASAN ng NLEX Road Warriors ang kanilang three-game losing streak matapos mapigilan ang Columbian Dyip, 107-97, sa kanilang 2019 PBA Philippine Cup elimination round game Linggo sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Nanguna sina John Paul Erram, Kenneth Ighalo at Marion Magat sa atake ng Road Warriors sa unang yugto bago tuluyang nagpamalas ng katatagan sa huling yugto para ibigay kay NLEX head coach Joseller “Yeng” Guiao ang unang panalo ngayong kumperensiya.
Nagtala si Erram ng 23 puntos, 10 rebound, anim na assist at limang shotblock para sa NLEX. Nagdagdag naman si Ighalo ng 19 puntos at 11 rebound habang si Magat ay nag-ambag ng 14 puntos at 13 rebound para sa Road Warriors.
Nagsanib puwersa sina Ighalo at Erram na kumamada ng pinagsamang 24 puntos para pamunuan ang ratsada ng Road Warriors sa first half.
Nagbuhos ang Road Warriors ng 39 puntos sa unang yugto bago itinatag ang 31 puntos na kalamangan sa ikalawang yugto, 65-34.
Nagpakitang gilas si Ighalo sa huling yugto ng laro kung saan tinulungan nito ang Road Warriors na mapigilan ang Dyip na tinapyas ang kanilang bentahe sa apat na puntos, 89-85.
Nakatuwang din ni Ighalo sa ikaapat na yugto sina Philip Paniamogan, na kumana ng 11 puntos, Magat at Erram na kumana ng mga krusyal na puntos para mauwi ng NLEX ang panalo.
Umiskor si JayR Reyes ng 17 puntos habang sina CJ Perez at Rashawn McCarthy ay nagdagdag ng 16 puntos para sa Columbian na nalasap ang ikalawang pagkatalo para malaglag sa 2-2 kartada.
Sa ikalawang laro, tinalo ng TNT KaTropa ang San Miguel Beermen, 104-93.
Nagtala si Jayson Castro ng 24 puntos at 11 assist para pamunuan ang TNT.