ISA sa ipinagmamalaking lugar sa kamaynilaan ang Manila Bay, na tanyag sa magandang tanawin, lalo na tuwing palubog na ang araw.
Subalit sa pagdaan ng panahon, unti-unti nang naglalaho ang kinang nito dahil sa matinding problema sa polusyong dulot ng mga basurang lumalason sa tubig nito.
Ngayong Sabado sa Failon Ngayon, bibisitahin ni Ted Failon ang Manila Bay sa kanyang pagtalakay sa maiinit na isyu kaugnay nito – ang isasagawang rehabilitasyon ng pamahalaan, at ang nakaamban ring reklamasyon kung saan tatambakan ang bahagi ng tubig ng lupa upang magtayo sa ibabaw nito ng mga bagong inprastraktura.
Noon at hanggang ngayon, marami pa ring mga gawain sa Manila Bay, isa sa pinakamagandang natural na daungan sa bansa. Mayroong namimingwit, namamangka, nag-eehersisyo sa tabing dagat at marami pang iba. Pero dahil sa napapalibutan ang Manila Bay ng mga gusali at kabahayan tulad ng mga informal settler, nakikilala na rin ito dahil sa marumi nitong tubig.
Maganda ang hangarin ng gobyerno sa pangunguna ng DENR sa paglilinis nito ngunit bakit nakalusot ang ang mga proyektong maaaring makaapekto sa daloy ng tubig sa Manila Bay at sa paligid nito?
Makialam sa isyu kasama si Ted Failon ngayong gabi sa kanyang special report sa Manila Bay sa Failon Ngayon, 11 p.m. sa ABS-CBN at may replay sa ANC sa Linggo (Enero 27) ng 2 p.m..