PNP batbat pa rin ng katiwalian

BAKIT kaya kahit galing na ang mga datos sa isang ahensiya ng gobyerno at maituturing itong opisyal na mga datos ay kinokontra pa rin ng mga tagapagsalita ng Malacañang?

Kamakailan naglabas muli ng report ang National Statistical Coordination Board o NSCB, isang attached agency sa ilalim ng National Economic Development Authority o NEDA na ang pinuno ay si Director General Arsenio Balisacan. Ayon sa NSCB, patuloy ang paglaki ng agwat sa pagitan ng mga mayayaman at mahihirap.

Base kasi sa datos ng NSCB, lalong yumayaman ang mga mayayaman habang nananatili namang mahirap ang karamihan ng populasyon sa Pilipinas. Hindi bat nauna nang kinontra mismo ni PNoy ang report na inilabas ni Balisacan na mas dumarami ang mga mahihirap sa bansa?

Sa mga pag-aaral na inalalabas ng NSCB, mas maraming respondents ang ginagamit nito, kumpara sa 1,200 na mga respondents na ginagamit ng mga survey companies sa kanilang inilalabas na survey, bukod pa sa opisyal ang mga datos na ginagamit nito.

Ang nakakapagtaka lamang, hindi naman kinokontra ng Malacañang ang NEDA kapag maganda ang inilalabas nitong report kagaya na lamang kung ito ay may kinalaman sa paglago ng ekonomiya. Sabagay maganda nga kasi…sino ba ang ayaw ng maganda?

Dapat maging consistent ang gobyerno sa posisyon nito at aminin ang sitwasyon na nararanasan sa bansa. Hindi na kailangan ang mga report na ito para malaman na nananatili pa rin na pangit ang kondisyon ng napakaraming Pilipino sa kabila ng sinasabing lumalago ang ekonomiya ng bansa.

Isa na namang reklamo ang ipinaabot ng isang mambabasa ng Bandera na hindi na nagpalagay ng kanyang pangalan dahil sa takot na balikan siya ng mga inirereklamo.

Inirereklamo ng ating mambabasa ang Provincial Regional Office (PRO) 6 ng Philippine National Police (PNP).
Ayon sa kanya, maliban sa binabayaran sa Landbank para sa pagkuha ng clearance ng sasakyan, naniningil ng P100 ang nagrerelease ng PNP Highway Patrol Group o HPG clearance nang wala namang ibinibigay na resibo.

Idinagdag ng ating reader na matagal nang ginagawa ito sa kanilang lalawigan. Pero hanggang ngayon kahit pa nasa ilalim na tayo ng tuwid na daan ni Pangulong Aquino ay nanatili pa rin ang ganitong kalakaran.
Dapat aksyunan ito ng PNP sa harap na rin ng inilabas na report ng Transparency International na sa PNP may pinakatalamak na katiwaliang nangyayari.

Katatapos pa lang ng eleksyon pero tila naghahanda na ang senador na ito para sa 2016. Paano ba naman nanalo siya sa ilalim ng partido ng administrasyon pero sa ngayon pa lamang nakikita na siya na visible kasama ang pambato ng oposisyon sa presidential election.

Kamakailan, may dinaluhang pagtitipon ang isang mataas na opisyal kung saan siya ang panauhing pandangal. Nauna nang nagdeklara ang opisyal na tatakbo sa pinakamataas na pwesto at sa ngayon, itinuturing na siya ang pinakamalakas na kandidato para sa 2016 kayat hindi kata-taka na dumikit na ang senador na ito sa kanya sa kabila ng pagiging kaalyado ng LP.
Kapansin-pansin ang presensiya ng senador. Magkatabi pa sila ng opisyal at talagang hinintay niyang magbigay ng kanyang speech ang opisyal at hanggang matapos ang programa. Wala namang papel ang senador sa programa pero matiyaga niyang tinapos ang pagtitipon habang katabi ang opisyal.

Kilalang palipat-lipat ng partido ang senador na ito. At nitong huling eleksyon, bagamat may sariling partido, nakipag-alyansa siya sa LP. Gusto n’yo pa ng clue? Isa ang senador na ito sa mga common candidates sana ng LP at UNA ngunit dahil may kondisyon ang administrasyon na hindi sila pwedeng sumama sa kampanya ng oposisyon, tinanggal na lamang sila sa tiket ng oposisyon?

Kilalang may mas mataas na ambisyon ang senador bagamat nasubukan na niya ito. Gets n’yo na?
Editor: Para sa komento, tanong, i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374

Read more...