MALAPIT na ang takip-silim sa boxing career ni multi-division world champion Manny Pacquiao subalit may mga batang boksingero ang nakahandang pumalit kay Pacman sakaling tuluyan nang magretiro ito.
Kabilang na dito ang 19-anyos at tubong-Lagawe, Ifugao na si Carl Jammes ‘Wonder Boy’ Martin at ang 20-anyos at taga-Ozamiz na si Al “The Rock” Toyogon.
At tulad ng iba pang kabataang boksingero, kapwa nila idolo at nais tuluran ang tagumpay na natamo ni Pacquiao.
“Bata pa po ako, idolo ko na Sir Manny (Pacquiao). Tulad niya, galing din po ako sa hirap, nagtitiis kasama ang tatay ko para mag-ensayo sa payak na gymnasium, gamit namin ‘yung mga sariling gawang punching bag. Unti-unti, baka sakaling masundan ko ‘yung mga yapak ni Sir Manny,” sabi ni Martin.
Sa 11-0 kartada, 10 mula sa knockout, tunay na maganda ang hinaharap ng batang Ifugao na si Martin na idedepensa ang hawak na World Boxing Association (WBA) Asia bantamweight title kay Petchchorhae Kokietgym ng Thailand sa title fight na gaganapin sa Pebrero 16 sa Midas Hotel sa Pasay City.
“Ready na po ako physically and mentally. Napanood ko rin po ‘yung mga past fights ng kalaban ko, ‘yung style niya counter-punching. Ayaw gumalaw kung hindi ka gagalaw. Sa tulong po ni Lord, sana mo makaya ko ang kalaban at manalo ako,” sabi pa ni Martin, na nakamit ang WBA title nang patumbahin ang dating kampeon na si Moon Chul Suh ng Korea noong Oktubre 27 sa Lagawe, Ifugao.
Beterano ang katunggaling Thai sa hawak na 17-2 marka ngunit kumpiyansa si Martin na maisasama niya si Kokietgym sa mga napabagsak niya.
“Hindi ko po masabi kung ilang round. Pero pag nakita ko ‘yung tiyempo kukunin ko na, kahit ano pa ang maipatama ko sa kanyang suntok,” ani Martin, na may impresibong 56-0 karta bilang amateur fighter.
Idedepensa naman ni Toyogon ang kanyang World Boxing Council (WBC) ABCO silver super featherweight crown kontra Ryusei Ishi ng Japan sa ‘Night of Champions XVI’ bukas, Enero 26, sa Elorde Sports Center sa Parañaque City.
“Kondisyon na po ako. Lahat naman po ng itinuro sa training camp, pinag-aralan ko pong mabuti. Hindi ako sigurado kung ilang round pero kakayanin kong manalo para sa bayan,” sabi ni Toyogon.Laki rin sa hirap si Toyogon at diretso itong nagsanay at sumabak bilang isang ganap na pro fighter.
Napatunayan naman ni Toyogon na may paglalagyan siya sa boxing matapos ang impresibong debut kontra Rex Merceno noong Agosto 2015. Sa kasalukuyan ay tangan niya ang 9-2-1 kartada, na kinatatampukan ng anim na knockout. Nagwagi siya sa huling apat na laban kabilang ang title fight kay Naotoshi Nakatani ng Japan noong Pebrero.