MINSAN pang isinulat ng Pambansang Kamao ang pangalan ng Pilipinas sa mapa ng mundo. Nagkaroon ng saysay ang matiyaga niyang pag-eensayo. Mabuhay si Pacman!
Nagdiriwang ang lahat ng mga Pilipino sa buong mundo dahil sa katapangang ipinakita niya para talunin ang maangas na si Adrien Broner, ang boksingerong walang ginawa sa kabuuan ng kanilang laban kundi ang umiwas, tumakbo, yumakap at mangbalya.
Wala nga naman sa edad ‘yan, dahil si Senador Manny Pacquiao pa ang nagmistulang beinte nuwebe anyos lang, at si Broner ang nagmukhang kuwarenta anyos sa kahinaan nito.
Pero pagkatapos ng pagbubunyi ay ang malungkot na balita. Ninakawan ang kanilang bahay sa Los Angeles, nagulat ang mga nagpapatrolyang pulis kung bakit bukas na bukas ang gate, pati ang mga pintuan ng bahay ay puro bukas din.
Magaling tumiyempo ang mga magnanakaw. Alam na alam ng mga ito na nasa Las Vegas ang buong team ng Pambansang Kamao kaya napakalibre nilang pasukin ang kabahayan.
Ikatlong beses nang ninanakawan ang bahay ni Pacman, may kalayuan kasi ‘yun sa siyudad, papunta-punta lang du’n ang caretaker kaya nakasisingit ang mga magnanakaw.
Isa lang ‘yun sa maraming bahay na nabili ng mag-asawang Manny at Jinkee, may mga pinauupahan pa nga silang apartments sa LA, ibebenta na siguro nila ang bahay na tatlong ulit nang ninanakawan.