SUMIRIT na naman ang presyo ng produktong petrolyo.
Bukod sa mataas na presyo sa pandaigdigang merkado kaya nagmahal ang gasolina, diesel at maging liquefied petroleum gas, dumagdag na rin ang excise tax na nagkakahalaga ng P2 kada litro.
Ganito rin ang nangyari noong nakaraang taon ng patawan ng excise tax ang diesel at dagdagan ang excise tax ng gasolina. P2.50 kada litro ito.
At gaya ng inaasahan, umiyak ang mga driver ng pampublikong sasakyan. Ramdam na ramdam nila kasi araw-araw silang nagpapakarga.
Mayroong mekanismo na inilagay ang Kongreso ng gawin ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion para mabawasan ang epekto ng excise tax sa mga driver ng pampublikong sasakyan—ang Pantawid Pasada program.
Noong 2018, nagkakahalaga ng P5,000 ang Pantawid Pasada na ibinibigay sa mga operator o driver na mayroong valid na franchise. Ibig sabihin hindi kasali ang kolorum.
Ayon sa Department of Transportation, mayroong 179,000 franchise holder ng pampasaherong jeepney. Kung mabibigyan silang lahat ng P5,000 gagatos ang gobyerno ng halos P900 milyon.
Ang Pantawid Pasada Card ay maaaring ipambayad ng mga driver sa gasolinahan.
Noong Enero 15, inanunsyo ng DoTr na umabot na sa 74,498 ang bilang ng mga kumuha ng Pantawid Pasada card.
Sinimulan ang pamimigay noong Hulyo 17. Dahil marami ang hindi pa kumukuha ay in-extend ng DoTr ang pagkuha nito.
Kung ang numero ang pagbabatayan, masasabi na palpak ang programang ito. Mahigit 100,000 target beneficiaries ang hindi kumuha o nakakuha.
Hindi naman kapanipaniwala na ayaw ng mga driver ng libreng diesel, e naghahanap nga sila palagi ng murang gasolinahan di ba?
Ang tanong ni Mamang Tsuper, ano ngayon ang mangyayari sa napakalaking pondo na hindi naibigay? Saan naman kaya nila ito planong gastusin?
At dahil sunod-sunod na naman ang pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo, nariyan na naman ang mga panawagan upang itaas muli ang pamasahe.
Nang ipako sa P10 ang minimum na pasahe ay agad din itong ibinalik sa P9 dahil bumaba na ang presyo ng diesel.
Ipinag-utos ng DoTr sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board na gumawa ng automatic fare matrix kung saan tataas at bababa ang pasahe depende sa halaga ng diesel.
Hindi na kailangan pang maghain ng petisyon ang mga grupo ng driver at pasahero para tumaas o bumaba ang pasahe.
Wala pang inilalabas ang LTFRB na automatic fare matrix.
Nagtatanong ngayon si manong driver, pwede na daw bang ibalik muna muli sa P10 ang pasahe?