KALAT na kalat sa isang malaking network ang kuwento na totoo palang nagpaalam ang isang sikat na female personality at ang kanyang boyfriend na aktor sa kanyang mga magulang para magpakasal na.
‘Yun ang kuwentuhan, nagtangka nang magsabi ang magkarelasyon tungkol sa kagustuhan nilang lumagay na sa tahimik, pero bigo ang kanilang pagsasabi.
Kuwento ng aming source, “Nu’ng una, pagtatangka lang ‘yun, hanggang sa nabigyan na sila ng chance na magsabi.
“May naungkat kasing issue ng kasalan habang magkakasama sila, nagtinginan ang dalawa, hanggang sa nagsabi nga sila sa parents ng girl.
“Parang hindi ganu’n kapormal ang dating, parang pinasadahan lang nila ang issue. Pero sa umpisa pa lang, e, barado na sila. Hinarangan na agad sila,” chika ng aming source.
Matagal nang gustong magpakasal ng magkarelasyon, handang-handa na ang aktor sa mga responsibilidad na kailangan nitong harapin, pero ano ba talaga ang dahilan at hindi nila ‘yun magawa-gawa?
“Alam n’yo ba na may nagpapayo nga sa kanila na magtanan na lang? Ayaw silang payagan, kaya ang sabi ng mga nakakausap nila, e, magtanan na lang daw sila!
“Humihingi nga naman sila ng basbas, pero ayaw namang ibigay ‘yun sa kanila, e, di magtanan na lang sila para matuloy na ang pagpapakasal nila!
“Pero hindi nila ‘yun binigyan ng priority, gusto pa rin nilang magpakasal sila na may basbas talaga ang parents ng girl, para wala silang samaan ng loob.
“Kung kailan ‘yun matutuloy, e, bahala na si Batman! Mukhang gusto na lang buruhin si ____ (pangalan ng sikat na female personality) ng parents niya!
“Nasa right age na siya, ano ba? Saka sobra-sobra nang kaginhawahan sa buhay ang ibinigay sa kanila nu’ng tao, ano pa ba naman ang kulang? Nakakaawa naman ang girl, hanggang sa pangangarap na lang.
“Nakita na niya ang lalaking mamahalin niya at alam na alam niyang mamahalin siya, pero ayaw naman siyang payagang mag-asawa ng parents niya! Nakakaawa talaga ang babaeng ‘yun,” napapailing na lang na pagtatapos ng aming source.
Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, may kailangan pa bang clue para mahulaan n’yo kung sinu-sino sila, bigay na bigay na!