HINDI isinuko ni Xian Lim ang kanyang pagmamahal kay Kim Chiu sa kabila ng mga pagsubok na pinagdaanan ng kanilang relasyon.
Inamin ng hunk actor na maraming kumokontra noon sa relationship nila ng ka-loveteam niya noon na girlfriend na niya ngayon. Pero ipinaglaban ni Xian si Kim kahit sa sandamakmak ang naninira sa kanya.
“Nu’ng nagsisimula pa lang kami ni Kim ang daming tao sa paligid na nagsasabing, ‘Wag mong ipu-pursue si Kim dahil hindi ka magugustuhan niyan, at ayaw ka namin para sa kanya.’ Maraming nag-down sa akin but susundin mo na lang talaga yung puso mo.
“Hindi lang sa lovelife, mapa-career man yan o anong pagsubok sa buhay, sundin mo lang ang puso mo,” pahayag ng aktor sa panayam ng Magandang Buhay.
Sinabi rin ni Xian na nasasaktan siya kapag nakakarinig ng hindi maganda tungkol sa kanila ni Kim, lalo na kapag sinasabing ginagamit lang niya ang aktres para sumikat at magkapangalan.
“Sa lahat ng sumusunod sa love story namin ni Kim, may mga nagsasabing, ‘Eh, yang si Xian ano ginagamit lang yung pangalan ni Kim, ginagamit lang yan para magkaroon ng role,’ something like that.
“And yet here we are years later and we’re still together. We’ve overcome so many obstacles already. Sabi ko nga, kung kasalanan ang magmahal, then makasalanan akong tao,” dagdag pang chika ni Xian.
Samantala, naniniwala ang binata na kahit matagal na silang hindi nagkakasama ni Kim sa teleserye o pelikula, nandiyan pa rin ang kanilang loyal KimXi fans na patuloy silang sinusuportahan kahit na iba na ang kanilang mga kapareha.
Pagkatapos itambal si Kim kina Dennis Trillo at JC de Vera sa 2018 MMFF entry na “One Great Love”, mapapanood naman si Xian bilang leading man ni Louise delos Reyes sa latest offering ng Viva Films, ang “Hanggang Kailan”.
Ipinagmamalaki ni Xian ang bago nilang pelikula ni Louise na idinirek ni Bona Fajardo, “This is it. Very excited na kaming maipakita sa kanila ang pinaghirapan naming pelikula.”
“Dito talaga we really want sa lahat ng manunuod, lumabas ng iba ang nararamdaman nila, kumbaga hanggang kailangan ba ako magmahahal, parang hanggang kailan nga ba natin ‘to gagawin sa isa’t isa,” hirit pa ni Xian.
Sey naman kay Louise, siguradong maraming makaka-relate sa “Hanggang Kailan,” “Maybe after watching this movie, once in their life mayroong isang eksaktong eksena doon na naramdaman nila ito na nangyari ito sa akin.”
Hirit pa ni Xian, “This movie will really provide a different taste and different feel para sa mga manonood.”
Showing na sa Feb. 6, ang “Hanggang Kailan” mula sa Viva Films, BluArt Productions at XL8, ang bagong tatag na film company ni Xian.
Samantala, dinenay ng aktor sa isang panayam na lilipat na siya sa GMA 7, “Wala naman po kasing ganyan. Actually, nabasa ko lang siya sa Twitter. Hindi ko naman po alam kung saan nanggagaling. I’m still with ABS-CBN pa naman po.”