Umabot sa 4,122 pamilya na binubuo ng 16,150 katao ang naitalang nagsilikas sa Albay, Camarines Sur, Masbate, at Sorsogon, alas-12 ng tanghali Lunes, ayon sa Office of Civil Defense-Bicol.
Sinuspende rin ang klase sa apat na lalawigan, pati sa Camarines Norte at Catanduanes, matapos magbabala ang mga otoridad ng posibleng mga pagbaha at landslide.
Matatandaang mahigit 160 katao, karamihan sa Bicol, ang nasawi sa mga landslide na dulot ni “Usman,” na isa ring tropical depression gaya ni “Amang,” noong huling bahagi ng Disyembre.
Sa Caraga, di bababa sa 579 pamilya o 2,859 katao ang naitala sa evacuation centers sa Agusan del Norte, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, at Butuan City, Linggo ng gabi, ayon sa tanggapan ng OCD sa rehiyon.
Wala pang naiiulat na “major incident,” at maraming evacuee ang nagsiuwi na nang alisin ang mga storm warning signal sa kani-kanilang lugar, sabi sa Bandera ni April Rose Sanchez, tagapagsalita ng OCD Caraga.
Unang tumama sa kalupaan si “Amang,” ang unang bagyo ng taon, sa Siargao Island ng Surigao del Norte dakong alas-8 ng gabi Linggo.
Dakong alas-5 ng hapon Lunes, bahagya itong bumagal sa silangan ng Eastern Samar, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration.
Huling na-monitor ang sentro ng bagyo 105 kilometro silangan ng Catarman, Northern Samar, taglay ang hanging 45 kph malapit sa sentro at bugsong aabot sa 60 kph, habang umuusad pa-hilaga sa bilis na 10 kph.
Nananatiling nakataas ang storm warning signal no. 1 sa Sorsogon at Masbate, pati na sa Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, at Leyte, habang isinusulat ang balitang ito.