“ANG sarap kayang ma-in love!” Yan ang ibinandera ni Angel Locsin tungkol sa estado ng kanyang lovelife ngayon.
Alam naman ng madlang pipol na going strong pa rin ang relasyon ng Kapamilya actress sa businessman-film producer na si Neil Arce. Sa kabila ng mga kanegahang ibinabato sa kanila, nananatiling matatag ang kanilang samahan.
Sa panayam ng Rated K kay Angel last Sunday, sinabi nitong kahit kailan ay hindi niya itinago ang lovelife niya sa publiko, kahit alam niyang magiging sanhi pa ito ng mga intriga ay tsismis.
“Never naman akong nagtago ng relasyon kasi anong point malalaman at malalaman din ng mga taong so makikita kang nagla-lie, so walang point talaga,” pahayag ng lead star ng seryeng The General’s Daughter na nagsimula na kagabi sa Primetime Bida ng ABS-CBN.
Dagdag pa ng dalaga, masarap ang ma-in love at dapat itong ibandera sa buong universe, “Ang sarap kayang ma-in-love, yung sabihin mong in-love ka, ipagmalaki mo sa mundo yung taong mahal mo. I think deserve ng taong yun na irespeto, i-acknowledge siya sa public ‘di ba?”
Tungkol naman sa kasal, wala pa raw sila ni Neil sa level na ito dahil may kanya-kanya pa silang priorities ngayon. Birong sabi nga ni Angel, “Wala pa namang plano, liligawan ko pa po, babalitaan ko po kayo pag umoo sa akin.”
Pero diretsong inamin ng aktres na gusto rin niyang magkaanak, “Dati gusto ko po ng kambal. Nung nakita ko na po yung mga kaibigan ko kung paano mag-alaga, isa na lang po okay na po ako sa isa.”
“Pero kung ano pong ibigay sa akin ng Diyos, basta healthy yung bata,” pahabol pa ni Angel.