Mga labi ng mag-asawang nalunod sa Maldives, naiuwi na

DUMATING kahapon sa Ninoy Aquino International Airport ang mga labi ng mag-asawang overseas Filipino workers na namatay sa Maldives kamakailan.

Alas-3:30 ng hapon nang dumating ang mga labi ng mag-asawang Leomer at Erika Joyce Lagradilla sa PAIR PAGGS Cargo house na malapit sa NAIA Terminal 1.

Mga opisyal at kawani ng Department of Foreign Affairs at Workers Welfare Administration at mga kamag-anak ang sumalubong sa mga labi ng mag- asawa.

Dinala ang mga labi sa Laguna. Ibuburol muna sila sa hometown ni Erika sa Sta. Cruz at pagkatapos ay ililipat sa hometown ni Leomer sa Lumban.

Isang linggong ibuburol ang labi ng mag-asawa bago ililibing sa Enero 26.
Magugunitang nauwi sa trahedya ang honeymoon ng bagong kasal matapos silang malunod habang nag-snorkel sa isang resort sa Dhiffushi Island sa Ma-ldives noong Enero 13.

Nabatid na nagtatrabaho si Erika Joyce sa Singapore habang ang mister ay sa Riyadh, Saudi Arabia.
Sanpung taon na silang magkasintahan hanggang sa magdesisyong magpakasal noong nakaraang Disyembre.

Nauna nang inihayag ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na sasagutin ng DFA ang gastusin sa pagpapauwi ng bangkay ng mag-asawa.

Read more...