FEU masusukat kontra LA SALLE

Mga Laro Ngayon
(SM MOA Arena)
2 p.m. UST vs UE
4 p.m. La Salle vs FEU
Team Standings: FEU (3-0); NU (2-1); UST
(2-1); Adamson (2-1);
La Salle (2-1); UE (1-2); Ateneo (0-3); UP (0-3)

PALALAKASIN pa ng Far Eastern University ang kapit sa liderato habang pilit na babangon ang University of Santo Tomas sa paglasap ng unang pagkatalo sa pagpapatuloy ngayon ng 76th UAAP men’s basketball tournament sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Itataya ng Tamaraws ang 3-0 karta sa pagharap sa inspiradong De La Salle University sa tampok na laro ganap na alas-4 ng hapon na magsisimula matapos ang labanan ng UST Tigers at University of the East Red Warriors.

Galing ang tropa ni UST coach Alfredo Jarencio mula sa 67-71 pagkatalo sa National University sa larong nakitaan din ng pagkakaroon ng right shoulder injury kay Jeric Teng.

Malabo na makalaro si Teng pero buo pa rin ang puwersa ng UST dahil naririyan pa rin sina Karim Abdul, Aljon Mariano, Kevin Ferrer at Clark Bautista.

Itabla ang baraha matapos ang apat na laro ang balak ni UE coach David Zamar pero kailangan niyang humugot ng magandang paglalaro sa mga locals lalo pa’t suspindido ang 6-foot-8 center na si Charles Mammie.

Si Mammie ay sinuspindi ni UAAP commissioner Chito Loyzaga matapos makitang sinipa si Roider Cabrera matapos ang labanan ng UE at Adamson na napagwagian ng huli, 78-71.

Aasahan naman ni FEU coach Nash Racela ang husay nina Terrence Romeo at RR Garcia. Pangalawang leading scorer ng liga si Romeo sa ibinibigay na 21.33 puntos bukod pa sa 10 rebounds, 5.3 assists at 2.0 steals sa unang tatlong laro.

Read more...