NOONG Enero 13 opisyal nang nagsimula ang election period at kaugnay nito dapat ding magtayo ng bagong independent poll watchdog para matiyak ang isang malinis na na midterm elections sa Mayo 13.
Isinusulong ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos ang pagtatayo ng bagong independent election watchdog, na ayon sa kanya ay dapat buuin ng mga personalidad na napatunayan na ang technical expertise sa paggamit ng automated election system.
Kinakailangan ang pagtatatag ng isang election watchdog para matiyak na bantay-sarado talaga ang magiging eleksyon mula sa umpisa ng botohan hanggang sa maideklara ang mga mananalo sa midterm polls.
Sa ilalim ng panukala ni Marcos dapat magkaroon ng mga magbabantay na eksperto sa halalan sa bawat polling precinct.
Matitiyak ang integridad ng botohan kung present ang mga technical experts at hindi lamang ang mha poll watchers ng mga kandidato.
Ito’y sa harap na rin ng alegasyon ng dayaan noong nakaraang Mayo 16 elections kung saan alam natin na bukod sa kinukuwestiyon ang resulta ng halalan sa pagka-bise presidente, maging ang mga nanalo sa pagka-senador ay may inihain ding poll protest.
Sinabi ni Imee na hindi lamang dapat tiyakin ng bagong election watchdog na mabantayan ang lahat ng uri ng electoral fraud bago pa man ipinatupad ang automated polls, kundi may kaalaman din sa paggamit ng automated machines para tiyak na tama at walang hokus pokus sa mangyayaring eleksiyon.
Dagdag na garantiya na magiging credible ang paparating na halalan kung nakabantay ang mga eksperto sa halalan para masiguro na nabibilang ng tama ang mga boto at naisasama sa tally sa mga polling precint.
Dapat ay matukoy na ang mga isyu at mga iregularidad sa precinct level pa lamang at maresolba na bago pa man umakyat sa canvassing.
Hiniling din ni Marcos sa Commission on Elections (Comelec) na siguruhin na magiging non-partisan ang bibigyan akreditasyon para maging election watchdog sa paparating na automated elections.
Dapat ay suportahan ang election watchdog para matiyak na sapat ang magbabantay para sa integridad ng mga boto ng bawat Pinoy.
Inihalimbawa ni Imee ang protesta ng kanyang kapatid na si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos laban kay Vice President Leni Robredo na makalipas ang halos tatlong taon ay dinidinig pa rin hanggang ngayon sa Presidential Electoral Tribunal.
Sa darating na eleksiyon, patuloy tayong magbantay para sa isang mapayapa at malinis na halalan.