Acting gov, iba pa kinasuhan sa pekeng budget

INIREKLAMO si acting Eastern Samar Governor Marcelo Ferdinand Picardal at tatlong iba pang opisyal kaugnay ng pamemeke umano ng ordinansa kaugnay ng budget ng probinsya noong 2018.

Kasama ni Picardal sa reklamo sina acting Vice Governor Jonas Abuda, Sangguniang Panlalawigan Secretary Franklin Robedizo, at Department and Department of Budget and Management-Region 8 Director Annabelle Echavez.

Sila ay inireklamo ng walong miyembro ng SP ng falsification of an official document, dishonesty, grave misconduct, conduct unbecoming of a public official, at conduct prejudicial to the best interest of the service.

Ayon sa reklamo pineke umano ng mga akusado ang Appropriation Ordinance No.18-30, Series of 2018 na naglalaman ng P1.284 bilyong budget ng probinsya.

Noong Enero 5, 2018, nagkasundo ang SP na i-approve in principle ang Annual Investment Plan at budget ordinance habang hindi pa naisusumite ng Provincial Development Council ang mga kopya at pagbabago sa budget at iba pang kinakailangang dokumento.

Kahit hindi pa umano nagagawa ang mga kondisyon ay ipinadala na ito sa DBM. Nalaman lamang umano ito ng SP makalipas ang dalawang buwan. Sumulat ang mga nagrereklamo sa DBM upang ipaalam ang paglabag sa proseso.

“Acting Governor Picardal, Acting Vice-Governor Abuda, and Franklin Robedizo, knowing fully well that the approval of the 2018 Annual Budget …is anchored upon the compliance of conditions, …issued the falsified Appropriation Ordinance Number 18-30, Series of 2018 without any condition thereby making it appear to have been duly approved without any condition,” saad ng reklamo.

Isinama sa reklamo ang DBM regional director dahil kasama umano ito sa sabwatan ng mga opisyal ng probinsya.

Read more...