MAY mga kuwentong lumalabas tungkol sa kaangasan ng isang male personality na mabilis tumaas ang dugo kaya kailangang sumailalim sa anger management.
Dati na pala siyang ganu’n, konting kibot lang ay nag-iinit na agad ang kanyang ulo, kaya hindi kataka-takang nasabit siya sa isang malaking kontrobersiya kamakailan.
Kuwento ng isang source, “Hindi na ‘yun ikinagulat ng isang kaibigan kong owner ng isang resto, kilala na nila ang male personality na ‘yun, mabilis talagang uminit ang ulo niya.
“Napakasimpleng bagay lang, pero ginagawa na niyang big deal. Sauce lang ba naman, palalakihin pa niya ang issue? Sabihin na nating nagkamali ang waiter sa sauce na dapat ibigay sa kanya, malaking krimen na ba naman ‘yun?
“Sana, inintindi niya na lang na sa dami ng customers sa restaurant, e, nagkakamali rin naman paminsan-minsan ang mga servers, di ba?
“Sauce lang, ginawa na niyang napakalaking problema? Pinagsalitaan na niya agad ang waiter na bobo raw, dahil hindi alam nu’ng tao ang pagkakaiba-iba ng mga sauce!
“Ipinatawag pa niya ang manager, ire-report daw niya ang kahinaan ng waiter, talagang gumawa siya ng eksena sa resto, kaya nu’ng lumabas ang kuwento tungkol sa pagtalak niya, e, hindi na bago ‘yun sa mga nagtatrabaho sa restaurant!” simulang chika ng aming source.
Sa location naman ng isang serye ay napapansin din ng kanyang mga kasamahan na maigsi ang pisi ng pasensiya ng male personality. Mainipin siya, gusto niyang matapos agad sa kanyang trabaho, hindi niya iniintindi ang mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng delay sa kanilang taping.
Patuloy ng aming source, “Palasimangot ang mokong na ‘yun! Kapag nahihinto ang taping, big deal na sa kanya ‘yun. Ang gusto niya kasi, e, tuluy-tuloy ang trabaho, kesehodang may technical problem.
“Kaya wala siyang kakampi nu’ng lumabas ang issue na nakipagtalakan siya, kilalang-kilala na siya ng mga katrabaho niya na konting bagay lang, e, ginagawa na niyang napakalaking issue.
“Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, siguradong kilala n’yo kung sino ang male personality na ito. Isa lang ang siguradong itatanong n’yo, may permiso ba ang kanyang pagtatrabaho?” pagtatapos ng aming impormante.