Antonio binigyan ng b-day surprise habang nakahiga sa kabaong


NAMATAY na ang karakter ni Antonio Aquitania sa GMA Afternoon Prime series na Ika-5 Utos bilang asawa ni Gelli de Belen at tatay ni Jake Vargas.

Naging madamdamin ang lamay at libing ni Benjie sa kuwento ng serye kaya naman kahit ang mga viewers at netizens ay apektado sa pamamaalam ng karakter ni Antonio sa pinag-uusapang programa ng GMA.

Pero bago tuluyang mawala si Antonio sa serye, sinorpresa muna siya ng kanyang co-stars at ng buong production sa kanyang birthday.

Habang kinukunan ang mga eksena sa lamay ni Benjie, biglang nagkantahan ng “Happy Birthday” ang mga kasamahan niya sa taping. Nakahiga pa sa kabaong si Antonio nang sorpresahin siya ng mga katrabaho.

Nag-post ng isang video si Antonio sa kanyang Instagram account kung saan mapapanood ang nakakalokang birthday surprise para sa kanya.

Nilagyan niya ito ng caption na: “Eh yung sinorpresa ka ng katrabaho mo ng happy birthday.. pero patay ka sa eksena? #ika5famthankyou #pataytayodiyan!”

May isa pang video na ipinost sa IG ang kasamahan niya sa Ika-5 Utos na si Jean Garcia na may caption na, “’The best birthday na natanggap ko, habang nandito ako loob ng kabaong!!! -Benjie.’”

Read more...