Kakaibang ‘powers’ ni Kris may bisa pa rin; hindi aatrasan si Nicko Falcis

KRIS AQUINO

Sa aminin at sa hindi ni Kris Aquino ay matinding armas niya sa pakikipaglaban kay Nicko Falcis ang kalagayan ng kanyang pisikal na sitwasyon.

Malaking kanlungan ng aktres-TV host ang pakikisimpatyang ibinibigay sa kanya ng ating mga kababayan. Kaya nga lumulutang ang mga komentong hindi na sila naawa kay Kris, maysakit na nga ‘yung tao, pero kinakawawa pa nila.

Kahit sa pakikisawsaw ni Gretchen Barretto ay ganu’n ang maririnig na reaksiyon ng mas nakararami, walang puso ang sawsawerang aktres, kung kailan pa maysakit si Kris ay saka pa ito umaariba sa kanyang pakikialam sa isyu.

Pero hindi totoo ang bintang ng iba na iniaarte lang ni Kris ang pagkakasakit, bago pa pumutok ang kontrobersiya sa pagitan nila ng idinemanda niyang ka-partner sa negosyo ay meron na siyang mga pahimakas na may mali sa kanyang kalusugan.

Hindi niya ‘yun itinaon sa away nila ni Nicko, nagkataon lang na halos magkasabay ang pagdedemanda niya sa pagpapagamot sa ibang bansa.

Isang araw ay malulusutan din ni Kris ang matinding paghamon na ito, meron bang pinasok na kontrobersiya ang aktres-TV host na hindi niya nalampasan?

Mas matitindi pa nga ang naganap nu’n sa kanyang buhay, halos isumpa na siya ng publiko, pero pagkatapos lang nang ilang panahon ay matatag na naman siya nakatayo, taas-noong humaharap sa publiko, dahil ‘yun ang karismang meron si Kris Aquino.

Read more...