Pacquiao may patutunayan sa laban kontra Broner


MAPATUNAYAN na kaya pa niyang lumaban at manalo sa edad na 40 ang hangad ni Manny Pacquiao sa pagsagupa kay American boxer Adrien Broner ngayong Linggo sa pagbabalik niya sa Las Vegas, Nevada, USA matapos ang halos dalawang taon.

Idedepensa ni Pacquiao, na nagdiwang ng kanyang ika-40 kaarawan noong Disyembre, ang hawak na World Boxing Association (WBA) welterweight crown kontra Broner sa MGM Grand Garden Arena.

Ito ang unang laban ng Filipino boxing superstar sa Estados Unidos magmula nang magtala ng unanimous decision win laban kay Jessie Vargas sa boxing and gaming capital ng Nevada noong Nobyembre 2016.

Matapos nito ay nakalasap si Pacquiao ng nakakagulat ng pagkatalo kay Jeff Horn ng Australia sa Brisbane noong Hulyo 2017 na sinundan ng halos isang taon na bakasyon mula sa ring.

Naging matagumpay ang pagbabalik ni Pacquiao (60-4-2, 39 knockouts) noong Hulyo 2018 sa Kuala Lumpur, Malaysia kung saan nagtala ito ng kanyang unang knockout win makalipas ang anim na taon matapos patumbahin si Lucas Matthysse ng Argentina sa ikapitong round.

Ang impresibong pagbabalik ni Pacquiao ay naging daan para maikasa ang laban sa 29-anyos na si Broner, na may 33 panalo kabilang ang 24 KO win sa kanyang 38-fight career.

Bagamat iginiit ni Pacquiao na nakatutok lang muna siya sa laban kay Broner, marami naman ang naniniwala na ang kanilang title bout ay daan patungo sa posibleng rematch kay Floyd Mayweather Jr.

“My plan is one at a time,” sabi ni Pacquiao. “I cannot say about the future until January 19. After that we’ll have a press conference. Leave it as a question mark for now.

“I’ve accomplished what I wanted to accomplish. But I want to maintain my name at the top and to show that even at 40 years old I can still give the best of Manny Pacquiao, the speed, the power, everything.”

Binalewala naman ni Broner ang usapan na habol na ni Pacquiao ang mas malaking laban matapos ang kanilang sagupaan.

“People are talking a lot about Pacquiao fighting Floyd Mayweather again, but I’m pretty sure Floyd is retired,” sabi ni Broner. “I feel like people are trying to throw me to the wolves and overlook me.

“Manny Pacquiao has done a lot for the sport. I’m going to beat him up and have a drink with him afterward…I’m going to dominate and win.”

Read more...