Toyogon idepensa ang titulo kontra Japanese foe

SASABAK sa isang matinding pagsubok si World Boxing Council (WBC) Asian Boxing Council silver super featherweight champion Al Toyogon sa pagtaya niya ng kanyang korona laban kay Ryusei Ishii ng Japan sa D’Flash Ballroom ng Elorde Sports Center sa Sucat, Parañaque City sa Sabado, Enero 26.

Idedepensa ng 20-anyos na si Toyogon ang koronang kanyang nasungkit sa kapwa Pilipino na si Nathan Bolcio ng Benguet noong Hunyo 10, 2018.

Magsisimula ang pangunahing bakbakan ng “Night of Champions XVI” fight card alas-5 ng hapon.

Ang blockbuster boxing card na itinataguyod ng Elorde International Promotions sa tulong ng PAGCOR at Cignal ay katatampukan din ng 12-round title fight nina Ricardo Sueno at Diomel Diocos para sa bakanteng WBC ABCO flyweight championship.

“This is another good night of boxing with our very own Toyogon putting his title on the line against a worthy Japanese challenger,” pahayag ng sikat na boxing promoter na si Gabriel “Bebot” Elorde.

Ang taga-Gingoog City, Misamis Oriental na si Toyogon, na mas kilala sa tawag na “The Rock”, ay may ring record na siyam na panalo, dalawang talo, isang tabla at anim na knockout win.

Nanalo sa kanyang debut si Toyogon sa pamamagitan ng technical knockout victory laban kay Rex Merceno noong Agosto 2015.

Wagi rin siya sa kanyang apat na laban noong nakalipas na taon na kung saan pinataob niya sina Naotoshi Nakatani ng Japan noong Pebrero at mga kababayang sina Jason Tinampay noong Abril, Germaine de la Rosa noong Hulyo at Bolcio noong Septyembre.

Ang kanyang dalawang talo ay nalasap mula sa mga kamay nina Robin Dingcong noong 2016 at John Ray Logatiman noong 2017.

Ang kanyang kalaban na Ishii, ay may rekord naman na 7-4-1 lahat sa kapwa mga Hapones.

Read more...