Series of unfortunate events

LUHAANG nagkuwento sa Bantay OCW si Mirva na matagal nang OFW sa Saudi Arabia.

Sampung-taong nagtatrabaho bilang domestic helper si Mirva. Marami ang humihimok sa kanya na huwag nang tumuloy pero desidido na siyang mangibang-bayan.

Maliliit pa ang tatlong mga anak ni Mirva noon. Titiisin na mawalay sa mga anak, alang-alang naman sa kanilang kinabukasan.

Hindi na raw magpaliwanag pa sa kanila, kaya kahit kumokontra pa ang asawa sa kanyang plano ay hindi napigilan si Mirva.

Ang kaso, natapat siya sa abusadong employer. Sinasaktan siya ni Madame, minumura at palaging pinagbibintangang nagnanakaw ng kanilang pagkain. Pero ang totoo, mga sira at panis na pagkain ang pinagtitiyagaan niyang kainin dahil sa gutom.

Umalis minsan ang kanyang mga amo at halos walang iniwan na pagkain. Kaya gutoma na gutom siya ng mga ilang araw. Hindi naman siya makalabas para bumili ng pagkain dahil nakakandado ang gate ng kanilang bahay.

Nang umuwi ang kanyang mga amo humingi kaagad siya ng pagkain pero mura at pang-iinsulto ang inabot niya kay Madame. Hindi na lang kumibo si Mirva at natulog na lamang na gutom.

Dati naririnig lang niya ang kwento ng ilang OFW na nakasusi ang mga refrigerator sa Saudi, pero ayaw niya iyong paniwalaan noon.

Sa bahay ng kanyang amo, isinususi naman ang kanilang kusina kaya hindi rin siya nakakakuha ng pagkain. Gustong-gusto nang tumakas ni Mirva noon pero natatakot din siya na baka siya pa ang makasuhan at ipapulis.

Tiniis ni Mirva ang gutom hanggang matapos ang dalawang taong kontrata. Doon niya nahinuha kung gaano katagal siyang nawala at hindi naalagaan ng personal ang kanyang pamilya.

May halo mang pagsisisi pero pinanindigan ni Mirva na kailangang ma-kabawi siya sa kanyang pag-abroad at umaasang makakatagpo rin siya ng mabait na amo.

Inilihim niya ang lahat na pangit na karanasan sa kanyang pamilya. Lahat ng mga sinabi niya ay pawang kasinungalingan. Na mababait ang kanyang mga amo, napakaraming pagkain at hindi siya masyadong napapagod.

Takang-taka naman ang asawa’t mga anak dahil bakit umuwi siyang napakapayat. Sabi na lamang niya, hindi siya nakakatulog dahil sa labis na kakaisip sa kanila.

Pagkatapos ng pagbabakasyon nag-apply na muli si Mirva sa Saudi at madali namang nakaalis. Pero pagdating pa lamang niya sa bahay ng bagong amo, ramdam niya na mainit kaagad ang dugo ni Madame sa kanya, dahil nakita nito na binubuhat ni Sir ang maleta niya papasok sa kanyang kuwarto.

Kaya mula noon binabantayan ni Madame ang bawat kilos niya. Sa minsang pagkakamali, sinapok siya nito. At dahil sa nerbyos nabitawan naman niya ang basong hawak-hawak, kinurot naman siya ni Madame.

Wala pang isang linggo puro sakit na ng katawan ang inabot niya. Nang umalis nang si Madam, si-nubukan naman siyang pasukin ni Sir sa kanyang kuwarto. Mabilis niyang hinila ang aparador at hinarangan ang pinto.

Tiyempo namang dumarating si Madame kaya isinumbong niya na may masamang balik si Sir sa kaniya.

Sa halip na magalit sa asawa, pinagbintangan pa siya ni Madam na inaakit niya ang kanyang Mister. Doon nagdesisyon si Mirva na tumakas at mula noon nagpasalin-salin na siya sa iba’t-ibang employer hanggang sa abutin siya ng sampung taong pag-aabroad.

Pagkatapos noon, saka siya nagdesisyong umuwi na for-good. Ang dating anim na taong iniwan niya 16 years old na ngayon, ang dalawa pa niyang anak, 18 at 20 years old.

Read more...