Kandidatong Smartmatic | Bandera

Kandidatong Smartmatic

Lito Bautista - January 18, 2019 - 12:10 AM

ALAM ng demonyo ang kapangyarihan ni Jesus. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Heb 2:5-12; Sal 8:2, 5-9; Mc 1:21-28) sa kapistahan ni Santa Ita, sa unang linggo ng karaniwang panahon.

Maraming spokesmen ang demonyo, at isa sa kanila ay nag-uutos na patayin at pagnakawan ang mga obispo. Wala namang sumusunod kay spokes. Kung susunod, madaragdagan ang mga martir-santo na Pinoy; tulad ng naganap kay Oscar Romero. Makapangyarihan si Jesus, kaya alam ng demonyo na kahit araw-araw na manukso, di niya mailulugso ang simbahang isinilang noong Pentekostes. At pinakamahirap wasakin ang simbahang Katolika sa Pinas.

Nakaiinis na ilang monsinyor at obispo ang pumatol sa spokesman. Hindi dapat sila napundi sa spokesman dahil sila ang ordinadong kinatawan ni Kristo. Mas katanggap-tanggap kung sila’y magpapakumbaba at idalangin, o alayan ng nobena, ang spokesman. Puwede naman silang mag-alay ng buong araw na sunud-sunod na Misa para sa spokesman sa Quiapo, kuntodo tirik ng kandila. Maliban na lang kung nagmamadali silang maging martir, o di na tumatakbo kaya’t nagkaroon ng bagong 3.0 Dmax.

Sa likod-bahay sa dulong bayan sa Bulacan, natatanaw ang mga NPA. Karamihan ay bata, na tila estudyante nga ng UP at PUP. Simula 2014 ay wala nang bakbakan ang NPA, mga residente, pulis at Army dito. Pinapayagan silang dumaan nang tahimik, walang armas, at di magbabahay-bahay para mangikil ng sardinas, karne norte, mantika’t bigas. Papatayin sila ng taumbayan at gobyerno. Sa Plaridel, naglaho ang NPA nang dumami ang mga residenteng asintado na sa baril at may kasanayang lumaban sa active shooter(s). Hindi papayag ang Bulacan na matulad sa Quezon na inilugso ang kaunlaran ng NPA.

“…drivers of motorcycles… who venture to ply national, provincial, city and municipal roads are the most abusive and arrogant drivers nowadays,” ani Charlie Manalo. Bakit mo naman nilahat? Sarap mong… Di naman abusadong rider sina Randy David, Benhur Abalos, Gregorio Honasan, Reynaldo Berroya, Dr. Che Lejano, Oscar Albayalde, Rodrigo Duterte; mga driver ng Angkas, fastfood at messengerial services. Sarap mo talagang…

Nakita ko si Labor Secretary Silvestre Bello III sa isdaan ng palengke. Kung bodyguard ang nakasunod sa kanya, di ito makabubunot ng baril dahil bitbit ang mga pinamili. Luma’t pudpod na sapatos. Luma pero malinis na damit. Kilala ng mga reporter si Bello na kuripot; Ilocano. Mas milyonaryo pang manamit ang kapitan ng isang barangay sa North Caloocan, na naging tao lang nang dumikit kay Mayor Oca Malapitan. Kung kawatan si Bello, bakit tatlong recruiter lang ang nagsasabi?

Kapag panahon ng kampanya ay maraming matalino at manloloko. Maraming manunuri (analyst), kesyo si Poe na, etcetera. Sa nakalipas na tatlong eleksyon, ang kandidatong Smartmatic ang nananalo. Ang kandidatong ito ay nagbabayad, sa malaking halaga, ng “institutional operators” para manalo. Malawak mangampanya ang kandidato, at bigla siyang aangat sa survey sanlinggo bago eleksyon. Ang mga galamay ni Andy Bautista ay nasa Comelec pa; mga hustler sa pandaraya. Di nila akalain na halos buong bansa ang bumoto kay Duterte, gayung tiniyak na ni De Lima kay Ronnie na si Mar ang mananalo. Hindi pa naaalis ang programang mandaraya sa mga makina ng Comelec. Masalimuot na computers na di kayang maunawaan ng taumbayang nakanganga.

UST (Usaping Senior sa Talakayan sa San Vicente, Malolos City, Bulacan): Mula sa 15 makasariling damdamin, tatlo ang natira para pagbotohan para maging isang pangunahing demonyong damdamin. Ang tatlo: inggit, galit at muhi (muntik pang masama ang makamundong pagnanasa kahit senior na). And the “winner” is: muhi. May kimkim na muhi ang seniors sa kabila ng kanilang edad? Sa 10 scale, 5-3 ang muhi; kimkim at di isiniwalat o maisiwalat.

PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Bagong Silang, San Miguel, Bulacan): Di mapigilan ang away ng magkakaibigan, pamilya, maging kamag-anak. Nagkakasakitan, nagpapatayan, nagdedemandahan. Laganap sa bayan, bansa. Mula sa Biblia, hanggang ngayon. Walang pumipigil, bagkus pinapaypayan pa. Di na kilala ang espiritu santo.

PANALANGIN: San Miguel, iharang mo ang iyong sundang sa aming daraanan.

MULA sa bayan (0916-5401958): Kay bilis naman maglaho ni Trillanes nang basahan ng kaso dito. Sayang. …3240, Barangay 13B, Davao City.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending