‘Walang puwedeng magbida sa The General’s Daughter kundi si Angel’

ANGEL LOCSIN

Matagal na palang nasulat ang script ng The General’s Daughter ng Dreamscape creative consultant na si Rondel Lindayag at para talaga ito kay Angel Locsin.

Ang paliwanag ni Rondel, “Actually, matagal na po itong gawa. Hindi alam ni Angel ito, siguro mga four or five years ago, na-pitch na namin ito sa kanya, sa Summit ng Dreamscape pero at that time hindi po siya puwede kasi mayroon pa siyang ginagawa.

“Tapos nu’ng mapag-usapan uli, siya pa rin ang napili for the lead role hanggang sa bumalik siya sa ika-third time, sabi ko para sa kanya talaga ito.

“Siyempre po in-adjust namin sa time ang kuwento. Pero ‘yung mismong story niya (Angel), siya talaga bumabalik. Original story po ito ng Dreamscape walang pinagkunan. Gusto lang naming gumawa ng action na babae ang bida at si Angel talaga ang gusto naming gumawa no’n,” sabi pa sa amin.

Nabanggit din sa amin ni Rondel na wala silang maisip na artistang babaeng puwedeng gumanap sa karakter ni Angel sa serye dahil iilan lang naman sa mga female stars ng ABS-CBN ang gumagawa ng action.

“Lahat kasi demure, si Maja (Salvador) ang isa sa nakikita naming puwede sa action, tapos si Marian Rivera sa kabila, so far ‘yun lang naisip namin bukod kay Gel,” katwiran pa ng TV executive.

Oo, nga ‘no bossing Ervin, halos lahat ng artistang babae sa ABS-CBN ay mas bagay sa romcom at drama.

Kaya hayan, sa mga walang masyadong career na artistang babae, umpisahan n’yo nang mag-aral ng martial arts at malay n’yo sa aksyon pala ang linya ninyo.

Anyway, ngayong gabi ang advance screening ng The General’s Daughter sa Trinoma Cinema 6 na dadaluhan ng buong cast ng serye sa pangunguna nina Angel, Eula Valdez, Janice de Belen, Ryza Cenon, Loisa Andalio, Ronnie Alonte, Paulo Avelino, JC de Vera, Arjo Atayde, Tirso Cruz III, Albert Martinez at Ms. Maricel Soriano, sa direksyon nina Mervyn Brondial at Manny Palo.

Read more...