3 NBA teams umiskor ng 140 puntos

DAHIL sa mga pagbabagong ipinatupad ng National Basketball Association  (NBA) nitong mga nakalipas na taon na pumapabor sa mga offensive players ay hindi kataka-taka na umiskor ng sangkatutak ang mga koponan sa liga.

At sa schedule nga ng NBA sa Miyerkules (Enero 16, PH time) ay tatlong teams ang umiskor ng 140 puntos o higit pa sa laro.

Tinalo ng Golden State ang Denver, 142-111, para maagaw ng Warriors sa Nuggets ang number one seed sa Western Conference.

Sa larong ito ay nagtala rin ng NBA record ang Warriors na umiskor ng 51 puntos sa first quarter.

Gayunman, hindi ang Golden State ang nakapagtala ng pinakamataas ng iskor sa araw na ito dahil tinambakan ng 42 puntos ng Philadelphia 76ers ang Minnesota Timberwolves, 149-107.

Umiskor ng 83 puntos ang 76ers sa first half sa pamumuno ni Joel Embiid na nagtapos na may 31 points at 13 rebounds.

Tumira rin ang Philadelphia ng 21 tres sa larong ito.

Tinisod din ng Atlanta Hawks ang Oklahoma City Thunder, 142-126, kung saan pitong manlalaro ng Hawks ang umiskor ng double figures sa pangunguna nina John Collins (26), Alex Len (24) at rookie point guard Trae Young (24).

Huling nangyari ito noon pang Enero 7, 1984 sa panahon pa ng mga scoring leaders na sina Larry Bird ng Boston Celtics, Bernard King ng New York Knicks, Alex English ng Denver at Michael Jordan ng Chicago Bulls.

Ang tatlong teams na gumawa ng 140 puntos noon ay ang Warriors (154), Nuggets (141) at Knicks (140).

Read more...