Melai sa bashers ni Lie ng PBB Teen: Sorry, wala kayong mapapala!


IPINAGTANGGOL ni Melai Cantiveros ang Pinoy Big Brother Otso finalist na si Lie Reposposa sa mga bashers na kung anu-anong kanegahan ang ipino-post sa social media.

Nag-guest si Lie sa isang episode ng Magandang Buhay ilang araw matapos lumabas ng Bahay Ni Kuya at mapabilang sa PBB Teen BIG 4 finalist. Dito sinagot niya ang mga nagsasabing OA at gaya-gaya lang kay Maymay Entrata habang nasa PBB house.

Ayon kay Lie, totoo ang ipinakita niya sa loob ng Bahay Ni Kuya at hindi niya pineke ang kanyang pagkatao, “Ganu’n lang po talaga ako mag-react. Kasi nga po first time nga lang po talaga. Kaya okay lang talaga.”

Dito na nagsalita si Melai at agad dumepensa para sa mga basher ni Lie kabilang na ang mga nagkukumpara sa kanila, “Kaya wala kayong mapapala talaga (mga bashers), bash kayo nang bash, eh wala namang pakialam si Lie. Sorry na lang kayo.”

Narito naman ang message ni Lie sa mga taong nanghuhusga sa kanya, “Okay lang po sakin talaga, kasi mas lalo akong sisikat kapag marami akong bashers.

“Sa mga bashers, love you. Kahit ganyan kayo, mahal ko pa rin kayo, pero mas mahal ko mga supporters ko,” sey pa ni Lie.

Sa nasabi ring episode ng Magandang Buhay, nakasama ni Lie ang pinsang si Lenny na siyang nagbahagi ng buhay ng dalaga sa kanilang probinsya sa Tangub. Pangangalakal lang pala ang pinagkakakitaan ng mga magulang ni Lie.

“Yung buhay namin doon (sa Tangub) is simple lang po talaga, hindi po kami mayaman. Minsan uma-absent ako sa school kasi gusto ko po talagang makatulong sa pamilya ko po. Kasi matanda na po yung papa ko, tapos yung mama ko nandu’n lang sa bahay,” ani Lie.

Kasama ni Lie sa Teen Big 4 sina Kaori, Karina at Jelay at isa sa kanila ang tatanghaling Teen Big Winner ng Batch 1 ng PBB Otso.

Kung matatandaan, unang umingay ang pangalan ni Lie matapos mag-trending ang kanyang audition sa Tawag Ng Tanghalan ng It’s Showtime noong October, 2018.

Read more...