Naengganyo sa kuwento!

BAKIT nga ba iba ang dating’ o atraskyon ng pag-aabroad sa ating mga Pinoy?

Yaong minsan nga lamang nakalabas ng bansa sa unang pagkakataon, ibang-iba na ang magiging pangmalas nito sa buhay sa kaniyang pagbabalik.

Totoong-totoo ito dahil iba nga naman magturo ng leksyon ang pagngingibang-bayan. Tumatapang at lumalakas ang loob ng isa kapag bumabiyahe.

Pagkuha pa lamang ng visa, dapat buo na ang loob. Desidido at pangangatawanan na ang kaniyang desisyon.

Pagkatapos sa kanyang aktuwal na paglalakbay naman, kakaibang tapang din kapag kaharap na ang mga immigration officers. Dapat alisto sa pagsagot at nang hindi ma A to A o airport to airport ‘ika nga.

Kapag nakapasok na sa bansang destinasyon, agad silang natututong makibagay sa kulturang aabutan.

Mabilis mag-adjust kahit medyo mahirap sa una. At dahil determinadong matuto agad, palakaibigan at palangiti ito. Hindi rin matatagalan at makakakahanap ito ng bagong kakilala na sa kalaunan ay magiging kaibigan na niya at siya na ang tutulong, aalalay at magtuturo sa bagong saltang kabayan.

Kaya naman kapag nagkuwento na si kabayan ng kaniyang mga karanasan sa abroad, siyempre pawang mga magaganda lamang ang ibabahagi nito sa mga kamag-anak at kaibigan.

Wala siyang kamalay-malay na isa pala sa mga kaibigan na naroroon ang inggit na inggit na sa kuwentong narinig kung kaya’t binubuo na rin niya sa kaniyang isipan na mag-aabroad din siya.

Buo ang loob at naisip pa niyang pumayag o hindi si mister, walang makapipigil sa kaniya. Walang puwedeng komontra!

Kaya agad siyang nagplano. Kinabukasan, naghanap na siya ng ahensiyang maa-aplayan. Tanging trabaho sa bahay ‘anya ang alam niya kaya iyon ang hinanap niyang ahensiya na nagpapaalis ng mga domestic helper o “household service worker” na siyang katawagan sa Pilipinas at nakasaad sa kanilang mga kontrata.

Sa pagtatanong-tanong, nakakita naman siya ng pag-aaplayan.

May dalawang buwan na raw siyang nag-aasikaso ng kaniyang mga dokumento at walang nakaka-alam sa kaniyang pamilya na mag-aabroad pala siya.

Sasabihin na lamang daw niya sa kaniyang mister at mga anak kapag may schedule na siya at sigurado na talagang papaalis na.

Gayong pinipigilan siya ng mga kaibigan niya at huwag na ‘anyang tumuloy dahil hindi niya sigurado kung ano ang aabutan doon, pero nakapag-desisyon na ‘anya siya at gusto rin niyang maranasan ang magagandang mga kuwentong narinig sa mga kakilala hinggil sa kanilang pag-aabroad.

May nagbabala naman sa kaniya na hindi niya dapat paniwalaan ang lahat ng mga kuwentong iyon dahil kadalasan hindi nila isinasama sa kuwento ang malulungkot at hindi magandang mga naranasan sa abroad.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ
990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail:
bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

READ NEXT
Prayer
Read more...