MAGTATAPOS na ba ang Cain At Abel? Kung hindi kami nagkakamali, nitong nakaraang Nobyembre lang ito umere sa GMA 7.
Sabagay, inamin naman ng isang taga-GMA na hindi nila kayang pataubin ang katapat nilang FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin na mahigit tatlong taon nang namamayagpag sa primetime. Ito rin ang nasambit sa isang panayam ng isa sa mga bida ng serye na si Dennis Trillo.
Nakatsikahan namin ang Dreamscape Entertainment head na si Deo Endrinal pagkatapos ng solo presscon ni Angel Locsin para sa The General’s Daughter. Puwede raw sabihin na hanggang matapos ang May, 2019 elections ang buhay ng aksyon serye ni Coco.
Ang sagot sa amin ni DTE (tawag kay Deo sa ABS-CBN) sa tanong kung hanggang kailan ba talaga ang FPJAP, “Basta to be safe, after elections.”
Maraming karakter din kasi ang mawawala sa kuwento ng serye tulad nina Lito Lapid, Mark Lapid, Jhong Hilario at Edu Manzano na kakandidato sa iba’t ibang posisyon.
Hindi raw kasi siguradong makakabalik pa ang mga nabanggit na aktor pagkatapos ng eleksyon.
Anyway, nakakabilib talaga si Coco dahil pagkatapos nitong sumama sa Traslacion para sa Mahal na Itim na Nazareno ay dumiretso siya agad sa taping ng Ang Probinsyano kahit wala pang tulog.