HINDI lang apple kundi maging ang pagkain ng itlog kada araw will keep the doctor away.
Iyan ay base na rin sa pag-aaral na isinagawa sa Europe. Ayon dito, nakakatulong umano ang pagkain ng itlog araw-araw para makaiwas sa type 2 diabetes.
Pinag-aralan ng mga mananaliksik sa University of Eastern Finland, ang 239 blood serum samples ng mga lumahok sa Kuopio Ischaemic Heart Disease Risk Factor Study.
Hinati sa apat na grupo ang mga dugo—ang mga kumakain ng itlog araw-araw; kumakain ng dalawang itlog kada linggo; ang mga kumakain ng itlog na nagkaroon ng type 2 diabetes; at ang mga hindi pa nagkakaroon ng diabetes.
Tumagal ng 19.3 taon ang pag-aaral sa mga kalahok.
Ayon sa resulta na nailathala sa Molecular Nutrition and Food Research ang mga lalaki na kumakain ng itlog araw-araw ay mas mababa ang tyansa na magkaroon ng type 2 diabetes. Iniuugnay ito sa lipid molecule ng itlog.
Natukoy rin sa pag-aaral na ang mataas na lebel ng amino acid tyrosine sa dugo ay nagpapataas ng tyansa na magkaroon ng type 2 diabetes.
Kaya lang mayroong mga naunang pag-aaral na kailangang bawasan ang pagkain ng itlog dahil nagpapataas ito ng cholesterol.
Isang pag-aaral naman ang nagsasabi na kailangan ng katawan ang itlog dahil sa taglay nitong nutrients na mahalaga upang maging malusog ang katawan.
Magsasagawa pa ng mga pag-aaral upang matukoy kung anong component ng itlog ang nakakatulong sa pagpapababa ng tyansa na magkaroon ng type 2 diabetes.