SIGURADONG may bumawal kay Gretchen Barretto sa kanyang kalokahang pakikisawsaw sa isyung kinapapalooban ni Kris Aquino, may nagmando siguro sa aktres na magtigil na, bago pa makalkal ang mga sarili niyang kalabisan at kakapusan.
Isang tunay at berdaderong Cojuangco ang kanyang pinasasaringan na bully at mahilig gumamit ng kapangyarihan, hindi niya ‘yun maikakaila, maselan ang sinaling niyang paksa.
Hindi nga ba’t sa unang araw pa lang ng pakikisawsaw ni Gretchen ay nakatikim na siya agad ng masasakit na pasaring? Naungkat tuloy pati ang pagpapalabas sa kanya sa elevator ng ina ng kanyang ka-live-in.
Totoo man o kuwentong-kutsero lang ang tungkol du’n ay napahiya pa rin ang aktres, lalo na’t tinawag pa siyang nagpapanggap na miyembro ng pamilya Cojuangco, kung saan lehitimong kabilang ang aktres-TV host.
Sabi nga ng isang nakausap namin, “Ayaw na ayaw niyang tinatawag siyang laos, pero ano ba itong mga pinaggagagawa niya? Trabaho ‘yan ng laos!
“Nagpapansin, nangbu-bully, sino ba ang tunay na bully at gumagamit ng huwad na kapangyarihan? Magsalita nga siya! Bakit hindi niya harapin ang mga pang-uupak sa kanya sa social media?
“Nagtatapang-tapangan ang sawsawerang hitad na ‘yan, pero isinarado niya naman ang comment section ng account niya!” inis pang sabi ng isang nagkakaedad nang female personality laban kay Gretchen Barretto.