Angel nag-resign sa ABS-CBN: Nawala ‘yung tiwala sa sarili…

Angel Locsin

Balak na palang mag-quit noon ni Angel Locsin sa mundo ng showbiz. Nag-submit na siya ng resignation letter sa mga bossing ng ABS-CBN.

Ito ang inamin ng Kapamilya actress sa solo presscon na ibinigay sa kanya ng Dreamscape Entertainment para sa bago niyang teleserye, ang The General’s Daughter. Ayon sa dalaga, napakarami niyang hugot sa buhay nu’ng mga panahong ‘yun.

“Nawala ‘yung tiwala ko sa sarili ko. Feeling ko I’m a big disappointment noong time na ‘yon. Hindi ko nagawa ‘yung ini-expect of me. Iyon ‘yung nawala sa akin,” simulang paliwanag ni Angel.

“Disappointed ka sa sarili mo. ‘Yung mga times na akala mo, okay ka, pero ngayon kung babalikan mo, hindi ka pala okay. In denial ka lang. Trying to be strong, pero hindi ka okay, e,” aniya pa.

Natanong kasi siya kung ano ang ibig sabihin ng Instagram post niya kamakailan kung saan ni-repost niya ang poster ng Kapamilya series na The General’s Daughter na may caption na: “2015 challenged me. 2016 broke me. 2017 changed me. 2018 opened my eyes. 2019 I’M COMING BACK.”

“Hindi ko naman sinasabing lugmok ako noong 2017, pero yung five years na yun, doon yung very challenging sa akin. Yung limang taon na yun, ang daming nangyari, kaya noong pinost ko ‘yun, parang hindi para ipabalik sa inyo yung memories, kung hindi para sabihin na I’m human.

“May moments na down ka, pero laging dapat maging better. Wala namang ibang pupuntahan, e, so stop worrying about stuff na wala ka nang magagawa, na hindi mo na dapat problemahin. Isipin mo na lang kung anong next step mo. Parang deadma, pag may nangyari, e, nangyari, anong gagawin natin?

“Move on ka na, next ka na, parang ganoon yung nasa isip ko noon,” aniya pa.

Hindi na nagdetalye pa si Angel kung anu-ano ang pinagdaanan niyang challenges in the past, pero napakarami niyang dapat pasalamatang tao na umalalay sa kanya para makabangon.

“Kinausap ako, tinanong kung ano ang gusto ko, hindi ako pinayagan mag-resign,” aniya na ang tinutukoy ay si ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak. “Sabi nila sa akin, kahit ayaw mo na, kahit hindi ka na naniniwala sa sarili mo, pero may mga taong naniniwala na kaya mo, na nandiyan, nakasuporta lang sa ‘yo, talagang mabubuhayan ka ng loob, e.”

“Dahil sa kanila, nandidito ako. Dahil sa mga taong patuloy na sumusuporta sa akin. Dahil sa inyo na naniniwala sa akin, nandito po ako. Feeling ko utang ko ito sa inyo. Para marating ko kung ano ako, ‘yung outlook ko ngayon,” aniya pa.

Mapapanood na ang The General’s Daughter simula Jan. 21 sa Primetime Bida ng ABS-CBN sa direksyon nina Manny Palo at Mervyn Brondial. Kasama rin dito sina Eula Valdez, Janice de Belen, Paulo Avelino, JC de Vera, Arjo Atayde, Ryza Cenon, Ronnie Alonte, at Loisa Andalio. May espesyal na partisipasyon din dito ang Diamond Star na si Maricel Soriano.

Read more...