Bong na-trauma sa Camp Crame: Iba yung kabog ng dibdib ko pag may mga pulis

LANI MERCADO AT BONG REVILLA

HINDI pa rin nawawala ang humor ni dating Sen. Bong Revilla, Jr. nang hingan siya ng kuwento kung ano ang realization niya sa mahigit apat na taong pamamalagi sa PNP Custodial Center.

“Na-realize ko kung gaano ako kamahal ng asawa ko (sabay tingin kay Bacoor Mayor Lani Mercado),” ang unang pahayag ni Bong sa pananghalingang inihanda nina Mother Lily Montevede at Manay Ichu Marichu Vera Perez-Maceda.

Nakangiting bulong sa amin ni Mayor Lani na katabi namin that time, “Ngayon niya lang nalaman?”

Dagdag ni Bong, “’Yung ginagawa niyang outstanding na pagiging ina at ama at pagiging ina ng Bacoor, sa lahat ng aspeto na ‘yun, outstanding siya kaya saludo ako sa ‘yo mama. Sa totoo lang, talagang makikita mo kung gaano siya kasipag, mapagmahal na ina at mapagmahal na asawa.”

Palakpakan ang lahat sa pahayag na ito ni Bong para sa asawang si Lani na totoo naman. Iisa nga ang tanong ng lahat ng press na naroo , saan siya humuhugot ng lakas sa lahat ng pagsubok na pinagdaanan niya?

Sa muling pagharap ni Bong sa entertainment press ay nabanggit niya na muli siyang gagawa ng pelikula pagkatapos ng eleksyon at isang pa para sa 2019 Metro Manila Film Festival.

Sa tanong kung posible bang isapelikula ng aktor ang mga nangyari sa buhay niya, bumuntong hininga muna siya sabay sabing, “’Yung buhay ko is very colorful, in fact puwede siyang gawing pelikula, nandiyang napalibutan ka ng dalawang daang pulis, siguro naaalala n’yo, 2013 pinalibutan ang bahay ko, gustong i-raid. Senador ako that time, ang dami kung ilalagay mo sa libro, maaksyon, madrama.

“Simula bise gobernador, gobernador, senador, VRB (Videogram Regulatory Board) na ngayon ay Optical Media Board (OMB) na, pero itong pangyayari sa buhay ko na ito, doon sa aspeto na ‘yun, maraming aksyon at drama na kapupulutan ng aral, pero as I said kanina, this made me a better person and a better leader,” aniya.

Samantala, hiningan ng reaksyon si Bong kung ano ang pakiramdam niya kapag napapadaan siya ng Camp Crame.

“Minsan nga, papunta kami ng INC, napadaan kami sa Crame, iba ‘yung pakiramdam ko, tugtog (dibdib). Sa totoo lang hindi ko alam kung na-miss ko ang Crame or ano,” sambit nito.

Pero hindi niya itinanggi na may trauma na siya sa tuwing nakakakita siya pulis, “Sa ngayon ha, everytime na makakakita ako ng pulis, para akong may trauma kasi anywhere I go nu’ng naka-detain pa ako parati kong kasama 50, 100, 200 pulis. Magpapa-check up ako, 200 pulis kasama ko, konting galaw, nandiyan sila,” seryosong kuwento ng aktor.

“Ganu’n po, may phobia na ako kapag nakakakita ako ng naka-uniform, (sabay muwestrang napapailag),” dagdag niya.

Sabi rin ni Lani, “Oo ganu’n nga kaya kapag dumarating ang Chief of Police ko sa kanya, hindi ko pinasusuot ng uniform, naka-civilian.

Inamin din ni Bong na pumasok may oras na gusto na niyang maglaho sa mundo dahil sa kahihiyang inabot kasama ang pamilya.

“Kung iisipin mo, ‘yung time na ginigiba ako, tuluy-tuloy ‘yun, non-stop, tingin ng tao, magnanakaw ‘yan, masamang tao ‘yan, parang gusto mong maglaho sa mundo dahil ‘yung kahihiyan, napakasakit nito. Bakit ganito? I don’t deserve this,” sabi pa ng dating senador.

Para malibang sa loob ng custodial center ay naging abala si Bong sa pagwo-workout, pagbabasa ng Bibliyaat Bible study. At higit sa lahat, nakapagsulat ng limang scripts na puwedeng gawing pelikula ngayong nakalaya na siya.

Isa sa mga proyektong gagawin ni Bong ay ididirek Rico Gutierrez dahil gusto niya itong bigyan ng break para sa “Alyas Pogi 2019.”

At ngayong nagdeklara na muling kakandidato sa pagkasenador ay natanong kung ano ang mga programang uunahin niya, “I’ve been (in the senate) for 12 years at marami na tayong nagawa riyan. Basta’t ang focus ko ngayon, unang-una ‘yung trapik, paglabas palang ng Crame, parang nadoble pa. Can you imagine kung ano pa ang haharapin natin sa next five to 10 years. I think dapat bigyan natin ng focus ang transportation.

“Tapos inflation, ‘yung Train law, dapat bisitahin ulit ‘yan. Maraming dapat tutukan, sagot sa gutom, trabaho. ‘Yung problema na dini-discuss parati ng ating mahal na Pangulo (Rodrigo Duterte) ang droga,” paliwanag niya.

Napag-usapan din ang tungkol sa mahal na singil sa sinehan ngayon, “Dapat pag-usapan ‘yan. Siyempre hindi papayag ang theater owners na basta ibaba ang presyo ng bayad sa sine. Pero kung tayo ang gagawa ng batas para pababain ‘yan, dapat pag-aralan mabuti na hindi naman maaagrabyado ang theater owners at producers.

“Kaya kung tataas pa ang bayad sa sine wala nang makaka-afford. Mamamatay ang industriya ng pelikulang Pilipino, dapat i-reconsider ‘yan, paano ibababa,” sabi pa ni Bong.

Read more...