1,049 deboto ng Nazareno inasistihan ng Red Cross

HINDi bababa sa 1,049 katao ang dinala sa mga istasyon ng Philippine Red Cross dahil sa iba-ibang karamdamang dinanas at pinsalang tinamo sa kasagsagan ng “traslacion,” o prusisyon ng Itim na Nazareno sa Maynila, Miyerkules.

Bago ito, naitala na umabot sa 1.03 milyon ang debotong nakakalat sa mga kalyeng dinadaanan ng “andas” at sa paligid ng Quiapo church.

Sa mga naratay, 381 ang nilapatan ng lunas para sa “minor” o bahagyang hirap sa paghinga, fainting o pagbuwal, mga sugat, pasa, sakit ng ipin, pagdugo ng ilong, at iba pang sakit ng katawan, batay sa tala ng PRC alas-6 ng gabi.

Dalawampu’t apat ang itinuturing na may “major case” ng sugat, hirap sa paghinga, pagkahilo, blunt trauma, at panghihina ng katawan.

Bukod dito, may tatlo pang pasyente ang itinakbo ng Red Cross sa pinakamalapit na ospital, at may 50 na binigyan ng “psychosocial support.”

Kasama rin sa tala ang 591 katao na mino-monitor ng mga tauhan ng Red Cross para sa altapresyon.

Sa talang nilabas naman ng National Capital Region Police, sinasabing 502 katao ang nangailangan ng atensyong medikal para sa pagkahilo, mga sugat, at bone dislocation.

 

Read more...