POEA tutok sa mga abusadong Recruitment Agency na namamayagpag na naman!

PAIKOT-IKOT lang talaga ang siklo ng buhay. Tulad ng mga OFW, pabalik-balik sa pag-abroad. Basta maganda ang offer, hindi na sila mag-dadalawang isip pa.

Ganyan din ang mga recruitment agency. Paulit-ulit din ang mga estilong bulok ng pang-aabuso at pananamantala sa ating mga kababayan.

May mga panahon din namang nahinto na sila, kaliwa’t kanan kasi noon ang pagsususpindi at pagpapasara sa mga abusadong ahensiya.

Pero ngayon balik na naman sila sa dating gawi. At may mga add on pa. Hindi na lang sila nakuntento sa kanilang mga ahensiya, may dagdag pang training center na pinagkakakitaan din nila.

Ito ang inireklamo ni Joan Gallardo sa Bantay OCW at agad namang ipinagbigay alam natin kay POEA Administrator Bernard Olalia.

Nag-apply si Joan sa P&R Manpower Services matapos nitong makita sa isang tabloid ang kanilang advertisement.

Na-engganyo daw si Joan sa anunsiyo nitong “Walang Babayaran, Legal lahat ng Proseso”.

At may dagdag pa, nakasaad doon na :
“Siguradong May P 20,000 CASH ASSISTANCE Para sa PAMILYA mo BAGO UMALIS papuntang SAUDI”.

Ganyang- ganyan ang pagkakasulat sa pahayagan. Kaya laking tuwa ni Joan na wala na siyang gagastusin pa, dahil sagot daw lahat ng ahensiya maging pa-medical at pasaporte ng aplikante.

At higit sa lahat, May pa-cash advance pa! Kakaiba nga ito!

Pero hindi ganoon ang nangyari. Pag apply ni Joan sa P&R pinagtraining na ito sa UNO Training Center na nasa iisang building din.

Sa loob ng 16 na araw, pinagtrabaho si Joan kasama ng may 30 pang mga kababaihang aplikante sa UNO.

Pinaaakyat ‘anya sa kanila ang 5 gallon na tubig mula ground floor hanggang 5th floor ng building gamit ang hagdan. Training daw nila iyon.

Pinaglalaba daw sila ng pagkarurumi at mabahong mga damit ng mga boy sa naturang gusali sa pamamagitan ng hand-wash. Sila din ang naglalaba ng damit ng mga trainer. At nililinis ang bawat kuwarto haggang sa Garaje. Bahagi daw ng training nila iyon.

Sabi pa ni Joan, wala din silang uwian. Lunes hanggang Sabado nagtatrabaho ‘anya sila doon. Kakarampot ang pakain at sa banig sila pinatutulog. Wala ni allowance man lamang.

May ibang kasamahan pa ‘anya si Joan na nag-babayad pa sa training Center pero wala naman silang resibong ipinapalit doon.

Nakatakda sanang magharap ang dalawang panig sa tanggapan ni Atty. Eric Dollete, Chief ng POEA Legal Division kahapon, ngunit walang dumating na taga P&R. Pinaghintay nila ang OFW kahit sa tanggapan pa ng POEA.

Maraming salamat sa mabilis na pagkilos ni POEA Administrator Olalia at Atty. Dollete hinggil sa kasong ito. Asahan po namin ang mabilis din na solusyon sa reklamo ni Joan laban sa ahensiyang P&R Manpower Services.

***
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com

Read more...