Final lineup ng Gilas 5 pinili na

PINILI ni Gilas national coach Chot Reyes ang 12 manlalaro na matagal na niyang nakasama para sandalan sa tagumpay sa 27th FIBA Asia Men’s Championship na gagawin sa bansa mula Agosto 1 hanggang 11.

Si Rain or Shine center Beau Belga na huling manlalaro na idinagdag sa Gilas ang siyang na-cut para mabuo ang 12 final lineup na ipinalabas kahapon.

Ang 6-foot-6 center ay kinuha para palitan si Sonny Thoss ng Alaska Aces at kasama ngayon sa training sa New Zealand.

“Beau Belga: the ultimate professional. Tough to tell him. But in the end he understood whats best for the team. Dakila ka,” wika ng tweet ni Reyes sa kanyang Twitter account.

Ang mga manlalarong aasahan para ihatid ang Pilipinas sa 2014 FIBA World Cup sa Madrid, Spain ay sina Marcus Douthit, Junmar Fajardo, Japeth Aguilar, Ranidel de Ocampo, Marc Pingris, Gary David, Jeff Chan, Larry Fonacier, Gabe Norwood, Jayson Castro, LA Tenorio at Jimmy Alapag.

Maluwag naman sa dibdib ni Belga ang desisyon na iwan siya sa koponan.

“Oo naman I will support pa rin. Team ko na rin ang Gilas Pilipinas. Tulad nga ng sabi ko bawal ang pusong mamon,” tweet ni Belga.

Pinasalamatan din niya si Reyes sa pagtitiwala at panahon na nakasama siya sa pagsasanay sa Gilas.

Si Belga ang huling manlalaro na idinagdag ni Reyes sa training pool matapos tamaan ng mga injuries ang ilang manlalaro ng koponan na kinabibibilangan ng mga big men na sina Thoss at Kelly Williams ng Talk ‘N Text.

Kung hindi inilaglag sa huling lineup si Belga ay maghahatid sana ito ng matibay na depensa sa loob maliban pa sa kanyang ‘enforcer’s attitude’ na makakatulong ng malaki sa koponan na aasahan ang 6-foot-10 naturalized center na si Douthit, Pingris, Aguilar, De Ocampo at Fajardo sa shaded area.

Nagsimula na kahapon ang pagsasanay sa New Zealand ng pambansang koponan at ito ay pinasimulan ng camp sa ilalim ni coach Tab Baldwin.

Matapos ito ay may magaganap na tune-up games sa pagitan ng Gilas at Hawkes Bay Hawks (Biyernes at Sabado), NBL All Stars sa Linggo, Wellington Saints sa Martes, Auckland Rangers sa Miyerkules at Tall Blacks na national team ng New Zealand sa Huwebes.

Read more...