AlDub perfect sa Pinoy version ng ‘Descendants of the Sun’ ng Korea

SONG JOONG KI AT SONG HYE KYO; MAINE MENDOZA AT ALDEN RICHARDS

IBINANDERA ng GMA 7 na ngayong taon na mapapanood ang Pinoy adaptation ng 2016 hit Korean drama na Descendants of the Sun.
Umere sa Kapuso Network ang Tagalized version nito na pinagbidahan ng Korean superstars at power couple na sina Song Joong-ki at Song Hye Kyo. Sa nasabing serye nagsimula ang love story nina Joong Ki at Hye Kyo na nauwi rin sa kasalan.
Bago matapos ang taong 2018, kinumpirma ni GMA Senior Vice President for Entertainment Lilybeth Rasonable na nabili na nila ang rights ng Descendants of the Sun para gawan ng Pinoy version.
Ayon sa TV executive, kailangang paghandaan nila nang bonggang-bongga ang nasabing serye dahil sa laki ng produksyon nito. Simple lang daw ang kuwento ng DOTS, pero napakalaki ng production, lalo na ang location at casting.
Marami ang nagsasabi na bagay kay Alden Richards ang karakter na ginampanan ni Song Joong-ki sa Descendants of the Sun at pwedeng-pwede rin kay Maine Mendoza ang role ng napakagandang si Song Hye Kyo.
Siguradong matutuwa nang bonggang-bongga ang AlDub Nation sakaling sina Maine at Alden ang mapili ng GMA na magbida sa Pinoy remake ng DOTS. Feeling namin hinog na hinog na si Maine sa mas challenging na role pagkatapos ng ipinakitang niyang akting sa 2018 MMFF entry na “Jack Em Popoy”.
Samantala, bukod dito, ipinasilip din ng GMA ang iba pang mga programang aabangan ng mga Kapuso ngayong Year of the Pig.
Kabilang na riyan ang Love You Two, Sahaya, Kara Mia, Mga Kamay Ni Milagros, The Better Woman, Inagaw Na Bituin, Stolen, Hiram Na Anak at Dragon Lady.
Hindi rin pahuhuli ang pakilig na hatid ng mga programang TODA One I Love, Till Debt Do Us Part, One of the Bais at Alex & Amie. Handog din ng GMA ang mga nakaka-good vibes na programang The Boobay And Tekla Show at Studio Juan.
Kaabang-abang din ang pagbabalik ng Starstruck at The Clash na talaga namang tinutukan ng taong bayan. Dapat ding abangan ang mga pasabog na hatid ng mga bagong Kapuso talent search na Sing For Hearts at Centerstage Kids.
q q q
Sa pagpasok ng Year of the Pig, patuloy pa ring pinag-uusapan online ang mga trending na eksena sa Kapuso primetime series na Onanay.
Ang latest nga ay ang eksena kung saan nahulog sa swimming pool ang karakter ni Kate Valdez bilang Natalie na mabilis na nag-trending sa Twitter matapos mag-post ang ilang netizens ng video at photo.
Pinagpipiyestahan kasi ngayon ang pagmamalditang ginagawa ni Natalie kay Maila (Mikee Quintos) dahil sukdulan na ang kasamaan nito, ayon na rin sa mga komento ng manonood.
Kaya naman ang tila karma na inabot nito sa makasaysayang swimming pool sa Onanay ay talagang ikinatuwa ng mga netizens.
Pero for sure, gaganti at gaganti si Natalie kay Maila, lalo na ngayong alam na ng lahat na sila’y magkapatid sa ina. Ano nga kaya ang susunod na mga gagawin ni Natalie ngayong bumandera na ang katotohanang hindi siya anak ni Helena (Cherie Gil) kundi ni Onay (Jo Berry)?
‘Yan ang abangan sa pagpapatuloy ng Onanay gabi-gabi sa GMA Telebabad.

Read more...