TAIPEI Taiwan – Mahigit dalawang linggong nasa Tokyo, Japan si Kris Aquino kasama ang dalawang anak na sina Joshua at Bimby at ilang staff ng KCA Productions.
Kabilang na nga riyan sina Jack Salvador (kasama ang ate), Bincai Luntayao, BFF cum make-up artist RB Changco, Jonathan Velasco at ang lawyer-confidante ni Kris na si Gideon Peña na bahagi na rin ng KCAP Team.
Matatandaang bago pa mag-Pasko ay umalis ang grupo para magbakasyon sa Japan, ang happy place ng mag-iina at nakatakda na sana silang bumalik ng bansa para dito naman mag-celebrate ng Bagong Taon, pero dahil may bagyo sa Pilipinas kaya naurong ang kanilang flight.
Nitong Enero 3 nakabalik ng Pinas sina Kris at kahit pagod pa sa biyahe ay pina-schedule na niya ang block screening para sa mga pelikulang “One Great Love” bilang suporta sa “panganay” niyang si Kim Chiu at “Rainbow’s Sunset” para naman sa producer nitong si Harlene Bautista. Biro nga ng Queen of Online World, “For the love of naudlot na sister in law.”
Napanatili rin kasi ni Kris ang magandang relasyon sa mga kapatid ni Quezon City Mayor Herbert Bautista.
Samantala, maging si Bimby ay may pa-block screening din para naman sa pelikulang “Mary Marry Me” ng magkapatid na Toni at Alex Gonzaga.
Ayon sa Instagram post ni Kris, “Bimb wants to invite all of you to join him because he’s hosting a block screening for his tita Cathy (Alex) on Friday, January 4. I’d have gone for my inaanak @celestinegonzaga (Toni) but I have a shoot for @zaloraph. On the 5th I’m hosting back to back block screenings for @chinitaprincess & @milesocampo for ONE GREAT LOVE and RAINBOW SUNSET for my naudlot na sister in law @harlenebau.”
At dahil tatlong pelikula ang ipapa-block screening ng mag-inang Kris at Bimb ay tiyak na marami na naman ang magtatanong kung bakit hindi niya sinuportahan ang pelikula nina Coco Martin at Vice Ganda. Kaya agad siyang nag-post sa IG para hindi na ito lagyan ng malisya.
Aniya, “Just to clarify & avoid unnecessary intrigue I had called @motherbibs_arboleda (manager ni Coco) to ask if I may host for @cocomartin_ph & Bimb had communicated with his tito Vice for Fantastica. I am watching #Aurora of @annecurtissmith on my own because the horror genre will always be my favorite.”
Samantala, kararating pa lang ni Kris ay muli na naman siyang lilipad patungong Singapore sa Linggo, Enero 6, “I leave evening of the 6th for Singapore, we’ll be away for 2 weeks for my medical evaluation. Please like this post & tag @fonziru or @jacksalvador if you want to watch Mary, Marry Me with @cathygonzaga& Bimb? #lovelovelove.”