Sikat na aktor, young actress naghiwalay na; sayang na relasyon

HANGGANG ngayon ay hindi pa rin tumitigil ang mga pang-uurirat sa diumano’y paghihiwalay na ng isang sikat na male personality at ng kanyang girlfriend.

Kahit hindi pa sila pormal na umaamin tungkol sa kanilang relasyon ay hindi na ‘yun kailangan.

Alam ng malalapit sa kanila na matagal nang sila pero napakapribado lang ng kanilang relasyon.

Kuwento ng aming source “Di nga ba, ang matagal nang balita, e, ipinagpatayo pa ng house ng male personality ang girlfriend niya? ‘Yun ang usap-usapan sa subdivision kung saan sila nakatira.

“Talagang pinag-uusapan sila du’n, kahit sa network na pinagtatrabahuhan nila. Matagal nang sila pero hindi lang talaga sila umaamin,” unang chika ng aming impormante.

May mga kuwento ring lumalabas na may pagkaselosa ang girlfriend ng sikat na male personality.

Hindi lang lumalabas ang kanilang mga pagtatalo dahil napakapribado nga nila.

Balik-kuwento ng aming source, “Paano naman hindi magseselos ‘yung girl, e, du’n sa seryeng pinagbibidahan ng boyfriend niya, parang totoong-totoo namang magkarelasyon sila ng partner niya?

“Pero dapat, e, maisip ng girl na ganu’n talaga ang trabaho nila, kahit naman siya, e, ipinapareha sa ibang artista. Hindi talaga maiiwasan ang ganu’n sa work na meron sila.

“Hindi siya dapat magpaapekto, hindi siya dapat magselos, hanggang sa screen lang naman ang ganu’n at hindi sa totoong buhay!

“Kung alam lang niya kung gaano siya kamahal ng boyfriend niya. Kahit sobrang busy ‘yun sa trabaho niya, sisingit at sisingit siya para lang mangumusta sa girl.

“Kundi niya tinatawagan ang girlfriend niya, e, tine-text niya, ganu’n siya karesponsableng karelasyon, sa totoo lang. Kaya dapat, e, hindi na siya nagseselos,” madiin pang komento ng aming source.

Matagal nang wala sa bansa ang young actress, dinalaw nito ang kanyang pamilya sa ibang bansa, ‘yun ang dahilan kung bakit pinagkukuwentuhan ng kanilang mga katrabaho na mukhang malabo na ang kanilang relasyon.

Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, walk in the park lang ang kuwentong ito, di ba?

Read more...