Krimen sa Metro Manila kumonti – PNP

BUMABA ng 21 porsiyento ang bilang ng krimeng naitala sa Metro Manila noong 2018, kumpara sa 2017, ayon sa pulisya.

Umabot sa 14,633 krimen ang naitala noong nakaraang taon, kumpara sa 18,524 noong 2017, batay sa datos na inilabas ni National Capital Region Police Office chief Dir. Guillermo Eleazar.

Lumabas din sa datos na kumonti ang bilang ng krimen sa lahat ng “ber months” (September, October, November, at December), kung saan kadalasa’y mas marami ang naitatala.

Umabot sa 1,722 krimen ang naitala noong Setyembre 2017 at ito ang pinakamataas noong taong iyon, pero 1,215 lang ang naitala sa parehong buwan noong nakaraang taon.

Nitong nakaraang Disyembre, 972 krimen lang ang naitala, kumpara sa 1,411 ng parehong buwan noong 2017. Naitala ang pinakamataas na bilang ng krimen ng 2018 na 1,377 noong Enero.

Kapansin-pansin din ang 52 porsiyentong pagbaba ng bilang ng murder, 27 porsiyentong pagbaba ng homicide, 23 porsiyentong pagbaba ng physical injuries, 17 porsiyentong pagbaba ng robbery, at mahigit 16 porsiyentong pagbaba ng theft.

Ayon kay Eleazar, dahi dito’y nabawasan ng 26.7 porsiyento ang crimes against persons habang ang crimes against properties ay bumaba nang 17 porsiyento.

Nabawasan naman ng 21 porsiyento ang index crimes, kung saan napapabilang ang murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, at carnapping, aniya.

Noong 2018, Quezon City pa rin ang may pinakamaraming krimen na 4,448, pero mas mababa ito sa 6,657 noong 2016 at 5,948 noong 2017.

Pangalawa pa rin ang lungsod ng Maynila na may 2,682 krimen noong nakaraang taon, pero mas mababa ang bilang na ito sa mga naitala noong 2016 at 2017.

Ayon kay Eleazar, pangunahing sanhi ng pagbaba ng bilang ng krimen ang giyera ng pamahalaan kontra iligal na droga.

Read more...