Kolorum na UV Express naglipana

HABANG nakasakay sa isang UV Express narinig ang kuwentuhan ng driver at ng kanyang katabing pasahero na mukhang matagal na niyang kakilala.
Ang dami daw UV Express na kalaban kasi kalalabas pa lang ng casa ang sasakyan ay ibinibiyahe na.
Kahit na walang prangkisa ay nilalagyan lang ng tatak na UV Express at hahalo sa pilahan ng mga may prangkisa.
Sa halip na nakapintura, nagpapagawa na lang ng sticker na ididikit. Kung mamalasin, mas madali nga naman daw alisin ang sticker, hindi na kaila-ngang papinturahan pa ang sasakyan.
Hindi na naman bago sa atin ang mga kuwento ng kolorum at hindi rin lang naman UV Express ang meron nito.
Kahit na sa hanay ng mga pampasaherong jeepney at bus ay may kolorum.
Ang tanong lang ay kung bakit hindi nahuhuli ang mga ito. Mula sa tanong na yan ay uusbong naman ang tanong kung sino ang kumikita?
Yung binabayaran buwan-buwan para timbrehan ang mga kolorum kung saan mayroong operasyon para hindi sila mahuli.
***
Mas madali rin siguro mahuhuli ang mga kolorum kung ipatutupad ng mga ahensya ng gobyerno ang totoong intensyon ng paggawa ng UV Express franchise.
Kaya ‘Express’ kasi ang biyahe nila dapat ay point-to-point. Magsasakay at magbababa lang sila ng pasahero sa magkabilang terminal. Hindi sila dapat dadampot ng pasahero kung saan-saan.
Ang kaso, may mga UV Express na wala namang terminal.
Pumaparada lang sa gilid-gilid, tapos dadampot ng pasahero sa daan kaya nakakadagdag pa sila sa trapik.
Inalis nga ang FX taxi franchise, na ang biyahe ay parang jeepney dahil sa trapik na naidulot nito, pumalit naman ang UV Express kaya trapik pa rin.
***
Alam ng mga UV driver kung sino-sino ang mga kasama nilang kolorum pero wala rin silang ginagawa.
Bakit kaya?
Sila nagbabayad sa gobyerno para makabiyahe, tapos yung mga kolorum hindi, pero pinapabayaan lang nila.
Hindi nila isinusumbong.
Marahil siguro meron silang kinatatakutan na protektor ng kolorum.
***
Merong mga paraan na magagawa ang mga ahensya ng gobyerno para mahuli ang kolorum.
Kapag nagpaparehistro lang mahuhuli na.
Pupunta
ang sasakyan sa LTO, ang rehistro private vehicle pero mayroong sticker ng UV Express, di ba kitang-kita na kolorum na?

Read more...