Aktor na hari ng kakuriputan, lukaret na female celeb magbago na sana ngayong 2019

2019 na! Sobrang bilis nga namang lumipad ng panahon. Parang kailan lang nu’ng salubungin natin ang taong 2018 sa pamamagitan ng putukan pero heto na tayo uli at may Bagong Taon na namang sinalubong at haharapin.

New Year’s resolution na ang naging paksa ng isang malaking grupo bago pumitada ang alas dose. ‘Yun ang plano nating gawin sa paglipat ng taon, kahit pa madalas sabihin na ang New Year’s resolution daw ay parang history, inuulit-ulit lang.

At dahil mga taga-showbiz ang magkakagrupo, sila mismo ang bumuo ng mga New Year’s resolution para sa mga kilalang artista, heto ang kanilang mga komento.

“Sana naman, magbago na si ____. Sana, ngayong 2019, e, iwanan na niya sa nakaraang taon ang sobrang kakuriputan niya. Kumikita naman siya nang malaki, pero kung bakit hirap na hirap siyang dumukot kapag nagpapatak-patak sila sa set para sa isang masarap na meryenda.

“Grabe siya, itinitiyempo talaga niya ang pagpunta sa CR kapag nagbibigayan na ng pambili ang mga kasamahan niya! Pagdating naman ng food, e, mas malakas pa siyang kumain sa mga nagbigay ng pambili!

“Talaga bang araw-gabi na lang siyang ganyan? Masyado siyang tiyani, napakakuripot niya, dumukot na sana siya sa bulsa niya ngayong 2019!” chika ng isang miron.

Sabi naman ng ikalawang miron, “Gusto kong makita si ____ (pangalan ng isang medyo nagkakaedad nang female personality) na hindi na nagmamaldita sa mga katrabaho niya! Tantanan na ang kanegahan para hindi nagwo-walkout ang make-up artist at hairdresser niya!

“Huwag na niyang masyadong pinahihirapan ang production staff sa mga kalokahan niyang hinihiling sa oras ng trabaho! Para siyang naglilihi, kapag gusto niya ng isang klase ng food na nakapagpapalaway sa kanya, e, akala mo siya reyna na kaila-ngang masunod agad ang kanyang gusto!

“At marami siyang ipinagbabawal kapag nagte-taping siya. Bawal mag-ingay ang mga nasa paligid, bawal katukin ang dressing room niya dahil maaabala siya sa pagme-memorize ng mga lines niya, kaarte ng babaeng ‘yun!

“Huwag na niyang hintayin na kaladkarin pa siya ng mga taong naiinis sa kanya para ihagis siya sa imburnal! True, maraming umaayaw sa female personality na ‘yun na ang akala sa sarili niya, e, reynang-reyna siya!” kuwento naman ng isa pang miron sa umpukan.

Marami pang iba, pero dalawa pa lang ito, siguradong kilalang-kilala n’yo sila, Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio.

Happy New Year!

Read more...