PUMALO na sa 75 ang bilang ng mga naiulat na nasawi dahil sa bagyong Usman, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Naitala ang mga nasawi, pati na ang 16 nawawala pa at 12 sugatan, sa Bicol, Eastern Visayas, MIMAROPA, at Calabarzon, ayon sa NDRRMC.
Umabot sa 191,597 katao ang naapektuhan ng masamang panahon sa mga naturang rehiyon.
Sa naturang bilang, 24,894 ang nagsilikas at sumalubong ng Bagong Taon sa loob ng mga evacuation center habang 54,665 ang nakisilong sa mga kaanak at kaibigan.
Ito’y matapos dumanas ng pagbaha ang di bababa sa 206 lugar sa mga naturang rehiyon.
Bagamat malawak ang pagbaha dahil sa dami ng tubig ulan na ibinuhos ng bagyo, landslide o pagguho ng lupa naman ang tinuturong dahilan ng karamihan sa mga pagkasawi.
Nakapagtala rin ng di bababa sa P242.12 milyon halaga ng pinsala sa agrikultura, sa Bicol region pa lamang.