GIRL power.
Ito ang eksaktong salitang nagbibigay kahulugan kung paano naging kagila-gilalas, matagumpay ang 2018 para sa mga Filipina athletes sa local or international scene man.
Higit sa pagtatala ng kasaysayan o pagbibigay karangalan, ang patuloy na pagtatayo ng bandera ng kababaihan sa mundo ng palakasan ang kanilang ipinaglaban.
Magbalik-tanaw sa naging paglalakbay ng mga sports heroines sa nakalipas na taon.
YUKA SASO, BIANCA PAGDANGANAN, LOUISE KAY GO
(golf)
Iwinagayway ng trio nina Saso, Pagdanganan, at Go ang watawat ng Pilipinas sa women’s golf team event sa 2018 Asian Games nang pumalo ng 22-under 554 total at higitan ang South Korea (19-under 557 total) at China (18-under 668) para sa gintong medalya.
Double gold medalist din ang 17-anyos na si Go matapos na pumalo ng 13-under 275 total sa individual event habang siniguro ni Pagda-nganan ang tansong medalya nang talunin si Ayaka Furue ng Japan sa sudden match na may 9-under 279 total.
HIDILYN DIAZ
(weightlifting)
Kahit ang mabigat ay napagagaan.
Alam ng Zamboanga del Norte pride na nasa likod niya ang sambayanang Pilipino kaya kahit na ang napakabigat na barbel ay tila ba walang hirap niyang binuhat para lampasuhin ang mga katunggali at sikwatin ang ginto sa women’s 53-kg weightlifting event sa 2018 Asian Games.
Bumuhat ang Philippine Air Force sergeant ng 92 kg sa snatch at 115 kg sa clean and jerk para sa kabuuang 207 kg. Inungusan ni Diaz si Kristina Shermetova ng Turkmenistan na bumuhat ng 206 kg.
Hindi napigilan ni Diaz ang pagdaloy ng emosyon dahil ito ang kanyang unang ginto sa Asian Games matapos mabigo noong 2014 at 2010.
MARGIELYN DIDAL
(skateboarding)
Hindi ang paulit-ulit na pagbagsak, pilay, galos at sugat ang makapipigil para sukuan ng Cebuana skater ang pa-ngarap at ibahin ang negatibong tingin ng iba sa skateboarding.
Gamit ang mga makapigil-hiningang stunts, nilampaso ng 19-anyos na si Didal ang pitong katunggali at itinala ang pinakamataas na iskor na 30.4 sa women’s street skateboarding sa 2018 Asian Games para ibigay sa Pilipinas ang una nitong ginto sa skateboarding.
Nagbunga ang mga paghihirap ni Didal dahil direkta siyang naimbitahan at
nabigyan ng awtomatikong tiket sa semifinals ng 2019 Street League Skateboarding PRO Championships sa Rio de Janeiro, Brazil na magsisimula sa unang linggo ng Enero 2019.
Ang kumpetisyong ito ay magsisilbing qualifier para sa 2020 Tokyo Olympics kung saan ang aanihing puntos ay mahalaga para sa ranking competition tungo sa inaasam na paglalaro sa prestihiyosong Olympic Games.
NU LADY BULLDOGS
(basketball)
Maraming nagtangka subalit bigo pa ring mapaamo ang Lady Bulldogs.
Patuloy na nanakmal ang Sampaloc-based squad sa UAAP Season 81 women’s basketball tournament at sinuwag ang Far Eastern University sa Game 2 ng finals, 67-61, para sungkitin ang ikalimang sunod na korona.
Iginuhit din ng Lady Bulldogs ang makasaysayang 80 sunod na panalo na siyang pinakamahabang winning streak sa kahit anong sport sa kasaysayan ng UAAP.
Season 77 (2014-2015) pa huling natalo ang koponan bago ang perfect run na ito.
MARY JOY TABAL
(marathon)
Pinalawig ng Cebuana marathon queen ang paghawak sa titulo sa pinakamalaking footrace sa bansa.
Pinanindigan ni Tabal na siya pa rin ang reyna ng long distance running matapos na manguna sa local women’s category ng 42nd National Milo Marathon Finals noong Dis.9 sa Laoag City.
Tinapos ng 29-anyos na Rio Olympian ang 42.195 km route sa loob ng 2:56.31 para maging unang babaeng marathoner na nanalo ng anim na sunod na taon sa engrandeng karera.
Sa pagkakapanalo, awtomatikong napasakamay ni Tabal ang top slot para sa 2019 Southeast Asian Games na gagawin sa Pilipinas.
MARGARITA OCHOA
(jiujitsu)
Hindi lang isa kundi dalawang beses na ipinamalas ng 27-year old jiujitsu specialist ang galing ng Pinay sa martial arts sa world stage.
Sumuko sa sakal ni “Meggie” si Francisca Nelson ng Indonesia para ibulsa ang gintong medalya sa women’s -49kg purple belt division sa Abu Dhabi Grand Slam Jiujitsu World Tour sa London noong Marso.
Umukit pa ng kasaysayan si Ochoa nang iuwi ang gintong medalya sa JuJutsu World Championship sa Sweden nitong Nobyembre.
Dinaig ni Ochoa si Ni Ni Vicky Hoang ng Canada sa, 2-0, sa final round ng women’s seniors 49-kg na naging daan para maging unang Filipina world champion at unang Asyano na nagwagi ng ginto sa Worlds.
Bronze medalist naman siya sa Asian Games.
ANTONELLA RACASA
(chess)
Tulad ng normal na bata, mahilig ding maglaro si Antonella.
Pero hindi siya katulad ng karaniwang bata dahil siya ay isang chess champion at ilang ulit nang ibinandera ang bansa sa international competitions.
Kinilalang youngest Filipino Woman FIDE Master si Antonella matapos na magwagi sa Girls 12-under category sa 19th Asean International Age group Chess Championships nitong Hunyo sa Davao City.
TANAUAN
LITTLE LEAGUE
(softball)
Kinubra ng Pilipinas ang
kauna-unahan nitong Senior League Softball World Series nang gibain ang Texas District 9 Little League, 7-0, sa championship game noong Agosto sa Lower Sussex, Delaware USA.
Pinangunahan ni Royevel Palma ang Tanauan matapos puwersahing i-strike out ng 15 beses at hindi hayaang makaiskor ng homerun ang Texas sa pitong innings.
Ito ang unang beses sa 44-year old tournament na magwagi ang isang Philippine team at koponan mula sa Asia-Pacific region.
Sinungkit din ng koponan mula Batangas ang ikalawang sunod na kampeonato sa Cebuana Lhuiller-Philippine Junior Women’s (18 & under) Softball Championship matapos na gulatin ang Rizal sa championship match, 6-3, noong Dis.22 sa Sto.NIno Field sa Marikina City.