HINDI na kami nagtaka kung bakit tinanghal ang “Rainbow’s Sunset” bilang best picture sa nakaraan na MMFF Awards night nitong Huwebes ng gabi.
Bukod sa ganda ng tema at pagkakagawa ng buong pelikula, alam mong may mga bagay-bagay na dapat mong pagnilayan matapos mong mapanood ang pelikulang ito.
Sa panonood ng obrang ito na tagusan sa puso ilang bagay ang dumaan sa aming isipan:
Walang pinipiling edad ang pagkilala sa sarili.
Minsan kailangan mo ng tapang para sundan ang ninanais ng iyong puso.
Kung tama ang iyong pagpapalaki sa iyong mga anak, kahit ilang beses sila magaway ay magkakaayos pa din sila.
Maraming kulay ang pagmamahal.
Kahit gaano pa tayo katanda, tatakbo at tatakbo pa rin tayo sa ating ina tuwing nabubugbog ng buhay.
Posible ang magmahal ng wagas hanggang dulo.
Likas na sa tao ang magkamali, ang kailangan lang ay matuto tayong akuin ito at itama sa huli.
Hindi naman natin kailangan tanggapin agad ang mga desisyon ng mga taong malalapit sa atin na taliwas sa ating paniniwala. Ang mahalaga matuto tayong mahalin sila sa kabila nito.
Maraming bagay ang hirap maintindihan ang kabataan. Obligasyon ng magulang na ipaintindi at ipaliwanag ang mga bagay na to.
***
Hindi man kagaya ng ibang pelikula, maraming leksyong ibibigay ang Rainbow’s Sunset. Tagos puso ang mga eksena, mahusay ang mga aktor at may buhay ang lahat ng karakter. Hindi mo mapipigilang mahalin din ang pelikulang ito.