IPINAG-UTOS ng Sandiganbayan First Division ang paglilipat ng selda kay Janet Lim Napoles, kaugnay ng hatol dito na guilty sa plunder case.
Ibinasura ng korte ang hiling ni Napoles na hayaan na lamang siyang nakadetine sa Camp Bagong Diwa sa Taguig kung saan siya ikinulong habang hinihintay ang hatol. Siya ay ililipat sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.
“I hereby commit to you the person Janet Lim Napoles, sentenced by this Court per Decision promulgated on December 7, 2018,” saad ng utos ng korte.
Si Napoles at ang dating aide ni ex-Sen. Ramon Bong Revilla Jr., ay hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong ng korte.
Pinawalang-sala sa naturang kaso si Revilla.
Nauna ng nakulong si Napoles sa CIW na nasa ilalim ng Bureau of Corrections matapos siyang mapatunayang guilty sa kasong illegal detention. Pero pinawalang-sala siya ng Korte Suprema sa kaso kaya siya ay inilipat sa Camp Bagong Diwa habang dinidinig ang kanyang mga kaso kaugnay ng pork barrel fund scam.
Samantala, naghain ng motion for reconsideration si Napoles sa desisyon ng korte. Sinabi niya na kung napawalang-sala si Revilla dapat ay mapawalang-sala din siya.
Nagpadala naman ng formal notice si Cambe sa Sandiganbayan at sinabi na iaapela niya ang desisyon sa Korte Suprema.
“Accused Cambe, by counsel, respectfully serves notice that he is appealing the decision dated December 7, 2018 of this honorable court to the honorable Supreme Court, for being contrary to law and the evidence on record,” ani Cambe.