HINDI naman pala simpleng tampuhan kundi pera ang dahilan kung bakit sinisiraan ng isang dating mayor sa Central Luzon ang kayang kaibigan na isang negosyante.
Sinabi ng ating Cricket na si Mr. Businessman ang nagpondo nang kumandidato sa pagka-kongresista ang dating mayor noong 2013.
Dahil puro yabang at sangkot pa sa ilang kalokohan kaya hindi nanalo sa pagka-kongresista ang dating mayor.
Makaraan ang 2013 elections ay muli niyang sinipat ang da-ting pwesto sa munisipyo kaya natural na nagparamdam na naman siya ng kaun-ting awa kay Mr. Businessman.
Dahil alam ng negosyante na gagawa ng pera sa eleksyon ang dating alkalde ay bigla niya itong siningil sa mga naunang utang nito na malaki rin naman ang halaga.
Nabigla si former mayor dahil akala niya ay nakalimutan na ng negosyante ang kanyang mga atraso.
Yun ang dahilan kaya hindi na rin siya nakakuha ng suporta mula kay Mr. Businessman sa pagpapalago ng kanyang negosyo sa isang lungsod naman sa Mindanao.
Doon nagsimula ang kanyang paninira sa negosyante at ang target ng kanyang kasinungalingan ay ang mga proyekto ng ilang kapamilya ni Mr. Businessman na ngayon ay pawang mga elected officials rin.
Nagbanta ang talunang mayor na maglalabas siya ng expose laban sa pamilya ng dati niyang padrino at political financier.
Humingi pa nga ito ng suporta mula sa isang kilalang lider ng bansa na kanyang “kabalen” pero tinabla siya nito sa kanyang mga pakulo.
Ang negosyante na target ng paninira ng dating mayor ay si Mr. B….as in Bongga.
Ang mayor naman na hindi nagbayad ng kanyang pagkakautang at ngayon ay abala sa kanyang mga expose kuno ay si Mr. P….as in Pera-Pera.