Donnie Nietes habol ang ika-4 world boxing title sa Macau


MAKUHA ang ikaapat na korona sa ibang dibisyon ang hangad ni Donnie “Ahas” Nietes sa pagsabak sa World Boxing Organization (WBO) super flyweight world championship bout kontra Kazuto Ioka ng Japan sa Macau ngayong Disyembre 31.

Sa hangarin nitong maging four-division world champion, hindi nagdiwang ng Pasko kasama ng kanyang pamilya ang 36-anyos na si Nietes, na kilala rin bilang longest reigning Filipino boxing champion, para mapaghandaan ang title fight kay Ioka.

Si Nietes, na may 41-1-5 record kasama ang 23 knockout, ay seryoso naman na makuha ang ikaapat na world title sa magkakaibang weight division sa pagsagupa kay Ioka sa Wynn Palace Cotai sa Macau ngayong darating na Lunes.

Ang Filipino boxing icon ay dumating sa Hong Kong noong Pasko kasama ang mga miyembro ng ALA Boxing team.

Umaasa naman si Nietes na mabubuksan niya ang taong 2019 na hatid ang panalo para mabigyan ang bansa ng bagong world boxing champion kung saan makakasama niya sina reigning WBA welterweight world champion Manny Pacquiao, WBA super world bantamweight champ Nonito Donaire, WBA interim featherweight world king Jhack Tepora at WBO minimumweight world titlist Vic Saludar.

Ang title fight ay ang ikalawang pagkakataon ni Nietes para mahablot ang WBO 115-pound title matapos ang kontrobersyal na draw sa kapwa Pinoy na si Aston Palicte noong Setyembre.

Read more...