NASA Trinoma Mall kami nitong Miyerkules na inakala naming walang masyadong tao dahil may pasok na ang mga nag-oopisina at ‘yung iba ay umuwi na sa probinsya. Pero nagkamali kami dahil parang araw pa rin ng Pasko.
Sobrang haba ng pila sa mga sinehan at pami-pamilya pa rin ang mga nanonood ng mga pelikulang kalahok sa MMFF 2018, kasama pa ang mga lolo’t lola. Ibig sabihin, sila ‘yung hindi nakisiksik nu’ng Dis. 25.
Anyway, bandang 6 p.m. ay hindi na paikot ang pila sa cinema area pero puno pa rin ang mga sinehan ng pinagla-labasan ng mga pambatang entry.
Ang mga pelikulang wala na halos maupuan at balitang nag-uunahan sa pagiging top-grosser ay ang “Jack Em Popoy: The Puliscredibles” nina Coco Martin at Vic Sotto at “Fantastica” ni Vice Ganda. Puno rin ang sinehan ng “Mary Marry Me.” Ang mga nabanggit na pelikula ang hindi pa rin namin napapanood kaya baka sa Enero na namin sila iisa-isahing panoorin.
May sinehan kaming pinasok na 15 katao lang ang nanonood considering na ang lalaki ng mga artistang bida, nakalulungkot dahil nasaan na ang mga supporter nila? O baka naman sila ‘yung screaming fans lang at hindi paying fans?
‘Yung isang pelikula naman ay halos kalahati ng sinehan ang mga nanood pero wala naman silang reaksyon at paglabas ay mga nabubuwisit pa, sayang lang daw ang pera nila. Sabagay, hindi natin sila masisisi dahil ang mahal ng bayad sa sine tapos hindi ka pa nag-enjoy.
Sa totoo lang, hindi rin namin na-enjoy ang nasabing pelikula at gusto na naming mag-walkout, pero pinigil kami ng kasama namin. Tapusin ko na raw para kahit paano’y masulit ang ibinayad namin.
Break time muna kami after at nagpalipas oras sa isang milk tea house sa garden ng Trinoma kung saan may magdyowa na gustong isauli ang ticket o papalitan na lang dahil sabi ng kaibigang nakasalubong nila ay corny ang pelikula ng kilalang aktres.
“Papalitan natin kasi corny, sayang bayad kung hindi natin ma-eenjoy,” sabi ng lalaki sa girlfriend niya na umayon naman.
Pero hindi sila pinayagang papalitan kaya ang ending nakasimangot silang pumasok sa sinehan. At ang nakakatawa bossing Ervin, nakita namin silang palabas ng sinehan at pinagkukuwentuhan ang magandang sound effect at musical score ng movie.
Nakangiti naman sila pareho, kaya malamang nagustuhan nila ang pelikula na muntik na nilang hindi panoorin.
Anyway, maraming drama pa kaming napakinggan at nakita sa moviegoers tungkol sa mga pelikulang napanood na nila, may mga namamaga ang mata paglabas ng sinehan, may mga nakasimangot, may mga tumatalak kasi ang mahal ng bayad tapos wala namang kwenta ang pelikula.
May mag-asawa nga kaming naringgan ng, “Sana next year, piliin talaga kung anong movie ang isasama sa MMFF para hindi masayang ang ibabayad. ‘Wag namang idaan sa palakasan.”