ANG lungkot ng kuwento ng seryeng Playhouse dahil hindi nakumpleto ang pamilya nina Marlon (Zanjoe Marudo), Sheila (Kisses Delavin) at Patty (Angelica Panganiban) nitong nagdaan Pasko dahil inatake siya sa puso.
Sa tumatakbong kuwento ngayon ng daytime series ng ABS-CBN ay nalaman ni Tatay Noli (Smokey Manaloto) na nagkaroon siya ng anak sa pagkabinata, kay Barang (Arlene Muhlach) bago siya ikinasal kay Nanay Belen (Nadia Montenegro). Ang anak na binabanggit ay ginagampanan ni Alex Medina.
Sa isang episode na napanood namin ay ipinagtapat na ni Tatay Noli kay Patty na nakilala niya si Barang noong kabataan niya at nagkaroon ng anak.
Nang makita namin si Smokey sa bahay nina Sylvia Sanchez kamakailan ay biniro namin na sana’y nagkaroon nga siya anak sa pagkabinata in real life. Hanggang ngayon kasi ay certified bachelor pa rin ang aktor.
“Oo, feeling ko nga meron, eh. Hindi na lang sinabi sa akin. Maloko rin kasi ako nu’ng kabataan ko. Hindi ko naman dine-deny ‘yun, kaya posibleng may anak ako,” kaswal na sagot ni Smokey.
Sa pagkakaalam namin ay gusto nang mag-asawa ni Smokey, hindi pa lang niya nakikita ang babae para sa kanya kaya binibiro na siya ng mga kaibigan sa pangunguna ni Sylvia at asawa nitong si Art Atayde dahil baka raw tumandang mag-isa ang aktor.
Anyway, baka may makabasa sa column naming ito, lalo na yung mga naging karelasyon noon ni Smokey. Baka nga nagbunga ang kanilang pagmamahalan, ito na ang tamang panahon para ipaalam n’yo sa aktor ang katotohanan.
Going back to Playhouse, nabigla nga si Patty dahil may ibang anak ang tatay Noli (Smokey) nila ni Renz (Jomari Angeles) at mas panganay pa sa kanya, pero wala naman na siyang magawa dahil nangyari iyon ng hindi pa kasal ang magulang nila.
Payo ni Patty, gusto muna niyang makilala nila ni bunso ang kuya bago ipagtapat sa inang si Belen (Nadia).
q q q
Parang indie film ang “Sylviahera”, ang travel cooking show ni Sylvia Sanchez na ipinalabas sa CasaNieves.TV nitong nagdaang Pasko, 5 p.m. Ang gaganda ng mga shot ni direk Dante Nico Garcia sa Barangay Nasipit, Agusan del Norte kung saan lumaki ang aktres.
Ilang beses nang ikinukuwento ni Ibyang sa mga panayam niya sa TV at nababasa sa mga pahayagan kung gaano kasimple ang buhay nila sa Nasipit noon at kung ano ang ikinabubuhay nila pero hindi naman ito nakikita ng lahat.
Kaya sa “Sylviahera” ay ipinakita na ng aktres ang simpleng buhay na kinalakhan niya kasama ang kanyang pamilya.
Ang ganda ng drone shot ni direk Dante habang lumalangoy si Ibyang sa dagat na mala- foreign film at ang pamimisikleta niya habang binabaybay ang magandang daan habang napapalibutan ng mga puno.
Kaya pala madalas umuwi sa Nasipit ang aktres dahil nami-miss niya ang buhay probinsya lalo na ang sariwang simoy ng hangin bukod pa sa pagdalaw niya sa nanay niyang si Gng. Roselyn Campo at mga kapatid.
Sa 15-minute video vlog ni Ibyang ay ibinahagi niya kung paano siya magluto ng paboritong litson. Kaya pala tinawag siyang litsonera dahil sa husay magluto at sa kanya rin namin nalaman na ang belly ang pinakamasarap na parte ng baboy lalo na kapag tinimplahan ng tanglad at sili.
Sa pilot episode ng “Sylviahera” ay isinama ng aktres ang buong pamilya sa pangunguna ng asawang si Art Atayde.
Lahat pala ng anak ni Sylvia ay marunong maglitson dahil mga bata pa lang daw ang mga ito ay tinuturuan na niya at kahit sa exclusive schools lahat nag-aaral ay marunong silang kumain nang nakakamay.
Isinama rin ni Ibyang ang anak na si Gela sa pamamalengke at marunong ang bagets, huh? Sa totoo lang, paborito ng aktres ang palengke dahil ilang beses na rin kaming nakasama sa Nasipit at talagang lahat ng puwesto sa palengke ay binibilhan niya kaya naman masaya ang lahat kapag nakita nila si Ibyang.
Anyway, sa mga hindi nakapanood ay i-click lang ang “Sylviahera” sa CasaNieves.TV at abangan ang mga susunod pang episode nito na kuha pa sa ibang probinsya, bitbit ang kanyang travelling maleta na may cooking stove at mga sandok.