SIGURADONG marami ang makaka-relate sa kuwento ng “Mary Marry Me”, ang entry ng magkapatid na Toni at Alex Gonzaga sa 2018 Metro Manila Film Festival na palabas na ngayon sa mga sinehan.
Napanood na namin ang pelikulang ipinrodyus din ni Toni (Tin Can Productions) at ng asawang si Paul Soriano (Ten17) sa ginanap na premiere night sa SM Megamall Cinema 1. Present ang Gonzaga sisters kasama ang leading man nilang si Sam Milby at ang direktor na si RC delos Reyes.
In fairness, refreshing ang kuwento ng “Mary Marry Me”, parang ngayon lang kami uli nakapanood ng ganitong klase ng movie – yung patatawanin ka nang bonggang-bongga sa umpisa tapos sa bandang ending ay mararamdaman mo na lang na tumutulo na ang luha mo.
Hindi na kami magdedetalye tungkol sa kuwento ng “Mary Marry Me” para walang spoiler at para ma-surprise rin kayo sa mga pinaggagagawa ng magkapatid, lalo na ang mga eksena nila nang magulo na ang kanilang relasyon bilang mag-sisters at isa-isa nang maglabasan ang hugot nila sa isa’t isa.
Narito ang apat na bonggang pampaswerte at pampa-good vibes para paglaanan n’yo ng pera at panahon ang “Mary Marry Me”.
1. “Sabunutan, sampalin, bugbugin si Toni Challenge”
Tama ang sinabi ni Toni na pelikula ito ni Alex. Siya kasi ang pinakamaraming paandar at pasabog sa movie. Isa na riyan ang eksena kung saan walang patumanggang sinabunutan at pinagsasampal ni Alex ang ate niya nang malamang “nilalandi” nito ang kanyang fiance na ginagampanan nga ni Sam.
Hindi pa nakuntento si Alex at talagang binugbog pa niya si Toni na parang isang wrestler. At yung sumunod pang eksena rito kung saan nag-walkout si Alex, siguradong hindi n’yo na kakayanin!
2. “Pang-MMK na iyakan sa loob ng simbahan”
Marami kaming narinig na humihikbi at nagpupunas ng kanilang luha sa eksenang nagkita sa simbahan ang magkapatid pagkatapos ng kanilang “fight scene”. Ito yung pa-ending na kukurot sa puso mo dahil ramdam na ramdam mo ang lalim ng hugot ng magsisteraka na nagkalayo at muling nagkita makalipas ang ilang taon.
Promise, ito yung eksenang pagkatapos mong mapanood ay gusto mo ring yakapin ang kapatid mo at patawarin siya sa lahat ng nagawa niyang sablay sa buhay.
3. “Sige, mang-agaw ka ng eksena Melai!”
Lahat ng eksena ni Melai sa movie ay talagang hinalakhakan ng manonood. Very challenging ang role niya bilang American girl na BFF ni Alex kaya halos dumugo na ang ilong ng TV host-comedienne sa kanyang English dialogues.
Sabi nga namin, after this movie, sana mabigyan din siya ng sariling pelikula na siya na ang bida. And wait, there’s more! Dahil hanggang sa katapusan ay may pasabog pa rin si Melai.
4.”Bonggang wedding sa ending with a twist”
At dahil “Mary Marry Me” nga ang title, may panggulat ang pelikula kung sino ba ang ikinasal at nagkaroon ng “happily ever after” at kung kanino napunta ang karakter ni Sam na siyang dahilan kung bakit nawindang ang buhay ng magkapatid.
Tawa rin kami nang tawa nang umapir sa ending ang dalawang taong malapit kina Alex at Toni. Kung sino sila, watch na lang kayo!