MMFF Parade of Stars palpak, mga float nalubog sa putikan

VIC SOTTO AT COCO MARTIN

SANG-AYON nang isandaang porsiyento ang ating mga kababayan kay Direk Joel Lamangan sa nangyari nu’ng parada ng mga artista bilang pagbubukas ng taunang Metro Manila Film Festival.

Sira ang mga plano para sa parada, may mga floats na nalubog ang mga gulong sa putikang lugar kung saan nandu’n ang lahat ng mga floats ng iba-ibang pelikula, ayon sa ating mga kababayan ay pinakadis-organisadong parada ang naganap nu’ng nakaraang Linggo nang hapon.

Si Direk Joel Lamangan ang naging bukas sa kanyang saloobin, ang kanyang komento, “Alam naman ng mga namamahala ng parada na kaninang umaga pa, e, malakas na ang ulan. Meron silang sapat na panahon para ilipat ang mga floats sa kalye, ‘yung lugar na hindi maputik!

“Lupa itong pinili nilang lugar na dahil sa maghapong ulan, e, lumambot, kaya ayan, nabalaho ang mga gulong ng floats!” sentimyento ni Direk Joel.

Hindi kaya nanonood ng news ang mga taga-MMDA at ang mga opisyales ng Parañaque City? Ilang araw nang inaanunsiyo na magiging maulan ang panahon bago mag-Pasko.

Sabado pa lang nang umaga ay matindi na ang pag-ulan, para ngang may bagyo, pero hindi pa nila napaghandaan ang hindi kagandahang panahon para mailipat sa mga sementadong lugar ang mga floats ng MMFF?

Ang grupo nina Bossing Vic Sotto at Coco Martin, para matuloy na lang ang kanilang pag-iikot, ay sumakay na lang sa truck ng PNP.

Hay, naku, nu’n pa kasi kinakalampag ng mga may alam ang pamunuan ng MMFF. Ibigay kasi ang pamamahala sa mga taong may nalalaman, hindi sa mga tauhan ng MMDA na ni hindi nga maiayos ang senaryo sa mga kalye, kaya nagkakaganyan.

Read more...