NAGPADALA ng mensahe sa Facebook si Gliz Guinto, ina ng OFW hinggil sa suweldong tinatanggap ng kanyang anak. Aniya, dapat ay $400 USD ang tanggapin ng anak ngunit 9,000 lamang sa halaga ng piso ang ibinibigay ng amo nito. Nais na lamang ‘anyang umuwi ng kanyang anak.
Gayong hindi nabanggit ni Gliz kung nasaang bansa ang kaniyang anak, kailangang ipaalam niya agad ito sa ating Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Philippine Embassy upang agad ipatawag ang kaniyang employer at papanagutin sa kontratang hindi niya tinutupad sa ating OFW.
Ang mga ganitong reklamo ay dapat kaagad naipapaalam sa ating embahada upang masolusyunan karaka-raka at hindi nagtatagal. Dahil kung hahayaan ito, tiyak na matatapos lamang ang kontrata niya na bawas palagi ang suweldo at mahihirapan nang habulin pa ang kakulangan sa sahod.
Mananagot din ang ahensiyang nagpaalis sa ating OFW. Kung pipiliin nitong umuwi na lamang sa Pilipinas, puwede naman, dahil hindi naman tumutupad ang employer sa kanilang napagkasunduan, at sa ganitong kaso, ang recruitment agency niya ang ating hahabulin sa kaniyang pag-uwi.
Nagpadala din ng mensahe sa Facebook si Lilybeth D.
“I’m an OCW here in Dubai for 5 years and active member of OWWA. I would like to ask on how to avail the scholarship program for the OWWA dependent. I have twin kids aged 15 years old and soon be graduating in high school this school year. They want to pursue college but the problem is I can’t support them because I am a single mother, separated and no support from my estranged husband. What are the requirements and the deadline for this?”
Reply: Ayon kay OWWA Administrator Carmelita “May” Dimzon, tamang-tama na ngayon kayo nagtatanong may kinalaman sa scholarship ng OWWA. Kinakailangang makapag-apply na kayo at maaaring makipag-ugnayan sa ating Welfare Officer diyan sa Konsulado ng Dubai at maaari na ring magtungo sa pinakamalapit na tanggapan ng OWWA ang inyong mga anak upang makapag-sumite na ng mga kinakailangang dokumento at maisama sila sa susunod na schedule ng kukuha ng scholarship exam na ibinibigay naman ng Department of Science and Technology (DOST).
Nais namang mag-abroad ni Ada Cayme bilang admin staff o di kaya’y kahit sa anumang trabaho sa isang opisina. Dati na siyang nag-trabaho bilang domestic helper sa Hongkong at hindi naging maganda ang resulta ng kaniyang pag-tatrabaho doon natapat ‘anya siya sa among mahirap pakibagayan. Napauwi siya ng kaniyang employer. Single parent si Ada at nais magpatulong sa Bantay OCW dahil wala din ‘anya siyang pang-placement fee at handang pasukin kahit pa salary deduction ang magiging kaayusan sa trabahong mapapasukan.
Narito naman ang mensahe ni Maricel Tolentin:
Good day Ma’am Susan, isa po ako sa mga taga subaybay po sa inyong programa. Gusto ko pong makita kita ng personal, hingi ng kaunting advise kung anong gagawin namin ngayon tungkol po sa asawa kong seaman. Pero gusto ko pong ikuwento lahat ng details in person. May mga agency po talaga tayo dito sa bansa na mga balasubas. Paano po kita mapuntahan at makita ng personal Mam? Malakas po ang tiwala ko sa Diyos, baka ikaw po yung daan na makakatulong sa problema namin. Maraming salamat po sa programa nyo at marami na po kayong natutulungan na mga kababayan natin. Sana isa na rin kami sa matutulungan ninyo. Ingat po kayo palagi…Godbless.
Para kina Ada at Maricel:
Maaari kayong magtungo sa Radyo Inquirer studio, Lunes hanggang Biyernes mula 11:00am to 2:00 pm. Matatagpuan kami sa 2/F MRP Bldg., Mola St. cor Pasong Tirad St. sa Makati City. Susubukan naming matulungan kayo. Hihintayin po namin ang inyong pagdalaw sa amin.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 11:00 am-12:00 nn, 12:30-2:00pm audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm.Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700
E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com